MANILA, Philippines – Kahit hindi sertipikahan bilang “urgent bill” ang pagpasa sa 2026 national budget ay nanatiling on track ang Kamara sa pagpasa nito, ayon kay House Speaker Faustino “Bojie” Dy III.
Base sa iskedyul, nakatakdang ipasa ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang P6.793 Trillion national budget sa October 10 habang sa October 13 ay ipapasa ito sa ikatlo at huling pagbasa.
Sa ilalim ng House Rules, walang panukala ang maaaring maging batas kung hindi ito maipapasa sa ikalawa at ikatlong pagbasa sa magkahiwalay na araw at ang printed copies nito ay dapat maipamahagi sa mga miyembro.
Ang nasabing rules ay maaaring maisantabi kung sesertipikahang urgent ni Pangulong Bongbong Marcos ang budget bill.
Sinabi ni Dy na kahit pa man hindi masertipikahang urgent ay “on track” pa rin ang Kamara sa pagtalakay sa national budget. /Gail Mendoza