Home NATIONWIDE Pagpatay sa Pinay ng mister na Slovenian kinondena

Pagpatay sa Pinay ng mister na Slovenian kinondena

MANILA, Philippines- Kinondena ng Commission on Filipino Overseas (CFO) ang umano’y pagpatay sa isang Pilipina ng kanyang Slovenian na mister ilang araw pagkatapos ng Christmas noong nakaraang taon.

Si Marvil Facturan-Kocjančič, 27, ay pinatay umano ng kanyang mister na si Mitja Kocjančič, habang nasa bakasyon sa Bled, Slovenia noong Disyembre 29, 2024.

Nakiramay naman ang Filipino community sa Germany sa pamilya ng biktima habang nanawagan sila ng hustisya para sa kanyang malagim na pagkamatay.

Sa Facebook page ng ‘Filipinos in Germany’, inihayag na ang kaso ay nagdulot ng malawakang pagkabigla at kalungkutan, lalo na sa komunidad ng mga Pilipino sa Slovenia, kung saan nagsimula si Marvil ng bagong buhay.

Sinabi ng grupo na dumating lamang ang biktima sa Slovenia noong Disyembre 22.

Sa ulat mula sa Slovenske Novice, sinabi na naglunsad ng pagsisiyasat ang mga awtoridad ng Slovenian sa insidente na ikinagulat ng publiko.

Ang suspek na umano’y may history ng mental health problems ay inaresto at dinala sa psychiatric hospital.

Samantala, sinabi ng CFO na patuloy itong magsusulong para sa mga karapatan ng mga Pilipino sa ibang bansa, at hinimok ang mga nakakraranas ng karahasan sa tahanan at iba pang uri ng pang-aabuso na makipag-ugnayan para matulungan.

“Overseas-based Filipinos married to other nationalities or with foreign partners, who experienced any acts of trafficking, domestic violence, and abuse, may contact the CFO, 1343 Actionline against Human Trafficking, or the nearest Philippine Embassy or Consulate for assistance,” ayon sa CFO. Jocelyn Tabangcura-Domenden