Home NATIONWIDE Pagpigil sa sabayang pag-upo ng magkamag-anak sa LGUs, layunin ng Anti-Political Dynasty...

Pagpigil sa sabayang pag-upo ng magkamag-anak sa LGUs, layunin ng Anti-Political Dynasty Act

63
0

MANILA, Philippines – Iginiit ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms Chair na si Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong na layunin ng panukalang Anti-Political Dynasty Act na pigilan ang sabayang pag-upo ng magkakamag-anak sa iisang lokal na pamahalaan at maiwasan ang kontrol sa pondo at resources ng LGU.

Sa plenary debate noong Miyerkules, Mayo 13, sinabi ni Adiong na hindi na papayagan ang mag-asawa, magulang at anak, o iba pang malalapit na kamag-anak na sabay na manungkulan sa iisang lokalidad.

“Hindi na po pwede sabay na manungkulan si misis at si mister. Si miis at ‘yung kanyang anak, si nanay at si tatay. ‘Yun po ang sigurado na wala pong possible manipulation ng internal resources ng ating LGU (local government unit),” ani Adiong.

Nilinaw ito ng kongresista bilang tugon sa tanong ni Navotas Rep. Toby Tiangco kung makokontrol ba ng panukala ang dami ng miyembro ng political family na maaaring manalo sa halalan.

Ayon sa panukala (House Bill No. 8389), bawal ang magkakamag-anak hanggang second degree of consanguinity o affinity na sabay na tatakbo o hahawak ng posisyon sa iisang lugar. Nasa ikalawang pagbasa na ito sa Kamara.

Pangunahin itong inihain ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III at House Majority Leader Sandro Marcos, at may 173 co-authors. Isa rin ito sa priority measures ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) at ni Pangulong Marcos.

Giit ni Adiong, hindi matitiyak kung ilan sa isang pamilya ang mananalo sa bawat eleksyon dahil nakasalalay pa rin ito sa boto ng taumbayan.

“Sa bawat eleksyon ay wala namang kasiguraduhan kung ilan po talaga ‘yung nananalo,” aniya.

Gayunman, sinabi niya na mahalaga ang panukala upang matigil ang sabayang paghawak ng magkakamag-anak sa kapangyarihan at pondo ng LGU.

“Ang kasiguraduhan po dito sa [panukalang] batas ay wala nang posibilidad ng manipulation ng internal resources ng LGU,” dagdag niya.

Ayon pa sa mambabatas, mahalagang balansehin ang karapatang bumoto at mahalal habang isinusulong ang reporma sa sistema ng pulitika sa bansa. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here