SORSOGON, Philippines – Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Martes na mas tumaas ang posibilidad ng phreatic o steam-driven eruption sa Bulusan Volcano sa Sorsogon dahil sa pagdami ng volcanic earthquakes.
Ayon sa Phivolcs, nakapagtala ng 109 volcanic earthquakes mula alas-12 ng madaling araw noong Martes. Karamihan sa mga ito ay volcano-tectonic earthquakes na dulot ng pagbitak ng mga bato sa mababaw na bahagi ng bulkan. Naitala rin ang mahina hanggang katamtamang pagbuga ng singaw at sulfur dioxide emission na 50 tonelada kada araw noong Hulyo 21.
Bagama’t nananatili sa Alert Level 1 (low-level unrest) ang Bulusan, sinabi ng Phivolcs na ang pagtaas ng seismic activity ay nagpapahiwatig ng mas mataas na posibilidad ng phreatic eruption mula sa alinman sa mga summit vent nito.
Mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 4-kilometrong permanent danger zone at ang paglipad ng anumang sasakyang panghimpapawid malapit sa tuktok ng bulkan.
Pinapayuhan din ang mga komunidad sa loob ng 2-kilometrong extended danger zone sa timog-silangang bahagi ng bulkan na maging alerto sa posibleng pyroclastic density currents, pagbagsak ng bato, avalanche, ballistic projectiles, at ashfall.
Hinimok din ng Phivolcs ang mga komunidad sa timog at mga lugar na maaaring daanan ng abo na maghanda sa posibleng ashfall, lalo na para sa mga matatanda, buntis, sanggol, at may mga karamdaman. Nagbabala rin ito sa posibilidad ng lahar at sediment-laden streamflows kapag umulan nang malakas kasunod ng posibleng pagputok. RNT/MDS