Home NATIONWIDE Pagrebyu sa P23B Senate bldg., ‘pinalagan’ ni Binay: ‘Wag maniwala sa marites’

Pagrebyu sa P23B Senate bldg., ‘pinalagan’ ni Binay: ‘Wag maniwala sa marites’

MANILA, Philippines – Pinalagan ni Senador Nancy Binay ang planong pagrerebyu sa lomobong badyet ng New Senate Building (NSB) na mula sa orihinal na P8.9 B, tumalon sa P23 bilyon na iniutos ni Senate President Francis “Chiz” Escudero.

Sa kanyang direktiba nitong Lunes, inatasan ni Escudero si Senador Alan Peter Cayetano, chairman ng Senate committee on accounts, na rebyuhin ang ginamit ng badyet sa naturang gusali ng Mataas na Kapulungan na itinatayo sa Taguig City.

Ayon kay Binay, dating chairman ng Senate committee on accounts na responsible sa pagpapatayo ng naturang gusali, na kanyang ikinagulat ang impormasyon na nakarating kay Escudero hinggil sa ilang isyung bumalot dito tulad ng parking area.

“Sa totoo lang, nagulat din ako kung saan nanggagaling ang info ni SP Escudero with regard the New Senate Building,” ayon kay Binay.

Nakakalungkot pa, ayon kay Binay, sana nagkaroon ng panahon si Escudero noong una  na magtanong at alamin ang tungkol sa construction developments, “sana’y mas naliwanagan siya at nakapagbigay s’ya ng inputs at suggestions kung paano mas makakatipid at ‘di maantala ang paglipat ng Senado sa bagong gusali.”

“Back in 2019, SP was an incumbent senator and part of 17th Congress, and I believe he has been made aware of the project costs,” paliwanag ni Binay.

Ayon pa kay Binay, mismong si dating Senador Panfilo Lacson, chairman ng Senate committee on accounts ang naglinaw sa plenaryo na inaprubahan ang   Multi-year Obligation Authority (MYOA) apra sa NSB na nagkakahalagang P8.9B na sasakupin ang ‘core and shell’ ng apat na palapag na tower NSB at hiwalay sa naturang halaga ang interior at fit-outs.

Nilinaw din niya na mayroong tatlong palapag na basement parking sa loob ng Senate building sa Taguig.

“Fake news po ‘yung walang parking,” aniya.

Sa kanyang panahon bilang chairman ng komite, sinabi ni Binay na nagpadala siya ng opisyal na imbitasyon sa lahat ng senador para sa ocular inspection at   one-on-one briefings hinggil sa progreso,  status, timelines, at katulad na bagay hinggil sa NSB.

“I understand that the Senate President meant well in reviewing the budget for New Senate Building–pero sana madaliin nila ang review,” aniya.

“We want to avoid any unnecessary expense brought by the delay,” giit ng senadora.

Ipinaliwanag pa ni Binay na dapat madaliin ang pagrerebyu upang maituloy agad ang kontruksiyon na matatapos sa 2025.  “Delays would mean cost adjustments, additional charges, penalties, and another round of rental. The Senate cannot afford any set back because each day of delay has cost implications–I agree with SP that we need to look for ways to bring the costs down.”

“Naghihintay po lamang ako na ako’y ipatawag. If there are questions and some clarifications, or things that need to be verified or validated, or to check if some information are indeed factual or simply intended to sow misinformation and spread falsehoods–I am just a call or text away,” aniya.

“Kung sana ay nakapag-usap kami ni SP, mas malinaw at factual info ang maibibigay ko, kaysa umasa s’ya sa mga marites at mga bubuyog na bumubulong-bulong,” ayon kay Binay.

Samantala, inihayag naman ni Escudero na ipinag-utos ang rebyu matapos makatanggap ang detalyadong ulat at rekomendasyon nitong Biyernes mula kay Cayetano kaugnay ng lumalaking gastos, quality issues, at management inefficiencies sa nasabing bagong Senate Building project.

Binanggit sa ulat ni Cayetano ang maraming mahahalagang isyu, kabilang ang kaduda-dudang pagtaas na pondo ng proyekto sa P23.3 bilyon mula sa inisyal na P8.9 bilyon.

Sa preliminary review na isinagawa ng komite, nabunyag ang maraming ‘variations, deviations, and modifications’ ng proyekto na hindi na-validate ng maayos. Ang pagpababagong ito ay nagresulta sa dagdag gastusin na nagkakahalaga ng P833 milyon, na halos 10 porsiyento ng orihinal na contract price.

Bukod diyan, sa ginawang inspeksiyon ng Senate Coordination Team, kinuwestiyon din ang kalidad ng pagkakagawa at pagsunod sa orihinal na ‘term of reference’ ng naturang proyekto.

Nakasaad din sa ulat ang procurement delays at misteps ng project manager, ang Department of Public Works and Highways (DPWH), na nakaambag sa pagbagal ng proyekto at pagsobra sa gastos nito.

Sa gitna ng inisyal na natuklasang ito, ipinag-utos ni Escudero ang malalimang pagsuri ng proyekto para mapagtuunan ng pansin ang kasalukuyang isyu, mapabuti ang project management at matiyak ang pinakamataas na pamantayan na kalidad at kahusayan ng nasabing proyekto.

Sinang-ayunan din ni Escudero ang rekomendasyon ni Cayetano, kabilang ang pagkilala sa kagyat at pinagbabatayan na problema ng proyekto at obligahin ang DPWH na kuwestiyunin, suriin at linawin ang mga isyung na maari pang itama.

Sa kanyang ulat, ipinaliwanag ni Cayetano ang hakbang ng DPWN ay krusyal sa pagtuloy kung itutuloy pa ng ahensiya at ng contractor, ang HillMarc’s Construction Corporation, ang natitirang bahagi ng proyekto, na may approved budget ng P10.33 bilyon subalit hindi pa naibibigay.

Iminungkahi rin ni Escudero na obligahin ang DPWH na magbuo ng high-level liaison team para sa nasbaing proyekto, na binubuo ng Unified Project Management Office ng ahensiya bilang  project manager at ang Bureau of Design para sa tamang koordinasyon.

Pinayuhan din ni Cayetano na magkaroon ng third-party construction management team na tutulong sa paglilinaw at magpapatibay sa proyekto. Ernie Reyes