Home NATIONWIDE Reporter sinaktan ng miyembro ng Manibela; journo group pumalag

Reporter sinaktan ng miyembro ng Manibela; journo group pumalag

MANILA, Philippines – SINUNTOK at kinuyog umano ang reporter ng DZRH na si Val Gonzales ng mga miyembro ng transport group na Manibela habang nasa coverage ito ng isinasagawang kilos-protestta ng transport group sa  harap ng LTFRB main office  sa East  Avenue Quezon City kaninang umaga Hunyo 10, 2024.

Nabatid sa ulat na habang nagsasagawa ng kanilang kilos protesta ang grupo ng Manibela sa naturang lugar ay nagre-report ng sitwasyon dito si Gonzales.

Sinabi ni Gonzales sa kanyang reklamo na kinuyog siya ng naturang grupo (Manibela) at may sumuntok pa sa kanya habang nagre-report.

Kaugnay nito hinala umano ni Gonzales na nairita ang Manibela sa kanya sa naireport na hindi nag consolidate ang ilan sa hanay ng Manibela sa programa ng pamahalaan na Transport Modernization Program dahilan umano para siya ay saktan ng mga ito.

Samantala, nagsampa na ng reklamo si Gonzales sa Quezon City Police District station 10 Kamuning sa ginawang pananakit sa kanya at iniimbestigahan na ng QCPD ang insidente.

Kaugnay nito, nagpahayag ng pagkondena sa naturang insidente ang iba’t ibang grupo ng mamamahayag sa Metro Manila partikular na ang Quezon City Journalist Group.

Umaasa naman ang QCJI na magiging patas ang gagawing imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa insidente.

Binigyang diin ng QCJI na ginagampanan lamang ni Gonzales ang kanyang trabaho para sa isang malayang pamamahayag. Santi Celario