Home NATIONWIDE Pinakamalaking solar pump irrigation sa Pinas pinasinayaan

Pinakamalaking solar pump irrigation sa Pinas pinasinayaan

PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang inagurasyon sa Isabela Province ng pinakamalaking solar pump irrigation project (SPIP) sa bansa.

Ang SPIP ay proyekto ng National Irrigation Administration (NIA) at naglalayong itaas ang agricultural production sa pamamagitan ng ‘sustainable at sufficient irrigation water.’

Binubuo ito ng 1,056 solar panels na makapagpo-produce ng 739,200 watts at dalawang submersible pumps na may output discharge capacity na 12,800 gallons kada minuto.

Maaari itong makapagbigay ng irigasyon sa 350 ektarya ng agricultural land, mapakikinabangan ng 237 magsasaka ng lalawigan.

Ang Isabela ay kilala bilang “the Rice Granary of the North” dahil sa malawak na produksyon ng bigas at mais.

Sa naging talumpati ng Pangulo, sinabi nito kung paano makikinabang ang agricultural sector lalo pa’t ang mga magsasaka sa lalawigan ay umaasa karamihan sa diesel- at gasoline-powered pumps.

“Napakalaki pa naging katipiran natin dito dahil bukod sa libre na ang [pagkukunan] ng kuryente, inilagay mismo sa taas ng irrigation canal ang ating solar panels, kaya hindi [na] po mababawasan ang lupang tinataniman ng ating mga magsasaka,” ayon kay Pangulong Marcos.

Umaasa naman ang Pangulo na makatutulong ang proyekto na mapanatili ang demand ng komunidad para sa water supply sa oras na umatake ang isa pang wave ng dry spell.

“Makarating na naman ang El Niño, bumalik ang tagtuyot ay mayroon din tayong maaasahan na water supply. Hindi lamang para sa irrigation, kung hindi pati na para sa water supply ng ating mga consumer,” ang sinabi ng Punong Ehekutibo sabay sabing ang proyekto ay makadaragdag din sa pagkukuhanan ng kuryente para sa northern Luzon.

“May sobra, may sobrang production ng kuryente ito. Kaya’t ito puwedeng ibalik sa grid, puwedeng ibenta. Maaaring ipagbili ngayon ang sobra. Kapag may solar plant ka, may powerplant ka at hindi niyo ginagamit lahat ng power ay dadalin niyo, lalagay natin sa grid, mayroon tayong…may additional na kita,” ang paliwanag ng Chief Executive.

Target aniya ng kanyang administrasyon ang i-rehabilitate ang Magat Dam, isa sa pinakamalaking dam sa bansa.

“Pagandahin natin. Lagyan din natin ng ganitong solar kung babagay siya para naman i-modernize natin lahat ng ating mga facilities,” ayon pa rin sa Pangulo.

Matatagpuan sa Ramon, Isabela, ang Magat Dam ay ang pangunahing pinagmumulan ng irigasyon para sa 85,000 ektarya ng lupa ng sakahan.

Nagsu-suplay din ito ng elektrisidad sa northern Luzon grid. Kris Jose