Home METRO Pagsasaayos ng healthcare system sa Romblon tiniyak ni PBBM

Pagsasaayos ng healthcare system sa Romblon tiniyak ni PBBM

MANILA, Philippines- Nangako si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na aayusin ang healthcare system sa Romblon.

Sa talumpati ng Pangulo na binasa at inihayag ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos sa Romblon, sinabi ni Pangulong Marcos na mahigpit na nakikipag-ugnayan ang Department of Health (DOH) sa mga lokal na opisyal para gawing makabago ang healthcare facilities sa lalawigan.

Kapit-kamay naman ang DOH at mga kinauukulang lokal na tanggapan sa pagkuha ng mas maraming medical professionals, healthcare workers, at specialists.

“Sa katunayan, noong nakaraang Abril, na-ipagkaloob [na namin] ang isang Super Health Center sa bayan ng Magdiwang sa Sibuyan Island,” ayon kay Pangulong Marcos sa kanyang talumpati.

Tinukoy naman nito ang P846 milyong ginamit para sa Health Facilities Enhancement Program ng gobyerno, saklaw ang 134 health facility projects sa MIMAROPA.

Gumastos din ang gobyerno ng P2.37 milyon para sa medical, nursing, dental at nutrition services para sa mga mag-aaral, kabilang na ang mga guro at non-teaching staff mula sa pitong school divisions sa rehiyon.

“Umaasa kaming higit na malilinang pa ninyo ang mga hatid naming tulong upang mapagyayaman pa ninyo ang inyong lalawigan,” ang sinabi pa rin ni Pangulong Marcos.

Samantala, hindi naman nagawang puntahan nang personal ni Pangulong Marcos ang Romblon dahil sa masamang panahon. Dapat sana ay personal niyang ipamamahagi ang presidential assistance sa mga magsasaka at mangingisda sa lalawigan.

Si Pangulong Marcos ay nasa Ilocos Norte para pangunahan ang inagurasyon at turn-over ceremony ng Rice Processing System at iba’t ibang agricultural machinery sa Piddig Basi Multipurpose Cooperative.

Pangungunahan din niya ang Sulvec Small Reservoir Irrigation Project sa Munisipalidad ng Pasuquin. Kris Jose