Ganito inilarawan ng abogado ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo ang alegasyon na siya ang nasa likod ng mga banta kina Senators Sherwin Gatchalian at Risa Hontiveros na iniimbestigahan si Guo at illegal Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Nakipag-ugnayan si Gatchalian sa Philippine National Police upang iulat ang online video kung saan sinasabing inutusan ni Guo ang kanyang mga tauhan na patahimikin sila kapalit ng tig-P5 milyon.
“Noong nakausap ko naman si mayor about that, ang sabi niya, ‘Ano ba ‘yan Diyos ko, lahat na lang binibintang sa akin.’ So in other words, wala siyang alam doon. Alam mo, maganda diyan kay Senator Sherwin, ipatawag ‘yung vlogger na ‘yun,” pahayag ni David sa isang panayam nitong Huwebes. “Negosyante si mayor pero hindi siya kriminal.”
Hinikayat din ni David ang umano’y mga kaklase ni Guo sa Grace Christian High School, na ngayon ay Grace Christian College, na magpakita at sabihin ang nalalaman nila tungkol sa pagiging iisang tao ni Guo at ng Chinese na si Guo Hua Ping.
“Kung totoo ‘yung sinasabi nila, lumabas sila doon sa DOJ, sabihin nila mag-testify sila ‘dun. Tsismis kasi ‘yan eh,” giit ni David.
Huli umanong nakausap ni David si Guo sa telepono noong Miyerkules. Hanggang ngayon, hindi pa nakapagdedesisyon ang alkalde kung susuko ito sa Senado o dadalo sa susunod na pagdinig sa Hulyo 29.
“Wala pa siyang ganoong commitment sa atin,” pahayag ni David. “Siyempre ayaw namang maging fugitive for life, di ba?”
Nanindigan si David na nasa Pilipinas pa si Guo at iginiit na haka-haka lamang ang mga ulat na nakalabas na ito ng bansa.
Bukas din ito sa imbestigasyon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa kanyang kliyente.
“Matitigil yung black propaganda na bilyon-bilyon daw na accounts, 36 accounts. Mawawala lahat ‘yan pagka naglabas ng final assessment ang BIR. Kasi makikita nila ano pala ‘yung takbo ng operasyon ng mga companies nila. So, legit,” pahayag ni David. RNT/SA