Pinuri ng national cybersecurity group ang paglagda sa Republic Act (RA) 12010 o ang Anti-Financial Account Scamming Act (AFASA), isang batas na nakikitang lumalaban sa pagdami ng mga krimen, na kinasasangkutan ng mga online scam.
Hinikayat ng Scam Watch Pilipinas sa pamamagitan ng co-founder nitong si Jocel De Guzman ang mga implementing agencies, sa pangunguna ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), na isama ang mga probisyon sa Implementing Rules and Regulation (IRR) na nagtatatag ng mga channel para sa mga biktima ng social engineering scams na umapela sa mga bangko, e-wallet, at mga institusyong pampinansyal para sa reimbursement kung mapatunayan sa imbestigasyon.
Sinabi ng grupo na kritikal ang RA 12010, dahil maraming mga biktima ng social engineering ang nararamdamang walang magawa kapag pinilit na magbahagi ng personal na impormasyon tulad ng mga one-time na password (OTPs).
Nagpakita sa ginawang pag-aaral na 82 porsiyento ng mga Pilipino ay nakatanggap ng mga hindi hinihinging text message, e-mail, tawag sa telepono o na posibleng bahagi ng isang scam.
Mahigit sa kalahati ng mga respondents ang nagsabi na ang kanilang mga kaibigan o kamag-anak ay naapektuhan habang 26 porsiyento lamang ang nag-ulat ng mga insidente na nagreresulta sa aktwal o pinaghihinalaang pagkalugi sa kanilang mga bangko.
Noong Hulyo 20, nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang batas na, aniya, “ay mahalaga sa panahong ito habang ginagamit ng mga cybercriminal ang teknolohiya upang dayain ang kapwa Pilipino, na nagdudulot hindi lamang ng personal na pagkalugi sa ekonomiya sa pamamagitan nila kundi pati na rin ang pagkawala ng tiwala sa mga institusyong pinansyal.”
Ang batas ay nagpapahintulot sa BSP na mag-imbestiga ng mga kaso at mag-aplay para sa “cybercrime warrants and orders” na may kinalaman sa mga elektronikong komunikasyon na ginagamit sa anumang paglabag sa batas.
Binibigyan din nito ang BSP ng limitadong awtoridad na suriin at imbestigahan ang mga bank account, e-wallet, at iba pang financial account na sangkot sa mga ipinagbabawal na gawain. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)