BUKIDNON, Philippines – Inanunsyo ni Executive Secretary Ralph Recto noong Biyernes na itinutulak ng administrasyong Marcos ang pagsasabatas ng Expanded Presidential Merit Scholarship Program upang matiyak ang patas na access sa edukasyon sa bawat barangay sa bansa.
Sa kanyang pagbisita sa Quezon, iginawad ni Recto ang Presidential Scholarship sa 155 college students mula sa 31 barangay ng bayan sa ilalim ng Socio-Civic Projects Fund (SCPF).
Sa programa, limang graduating college students mula sa bawat 464 barangay ng Bukidnon ang tatanggap ng tig-P20,000 para sa kanilang gastusin sa huling taon. Sa Quezon, aabot sa P6.2 milyon ang pondo para sa mga scholar, habang 2,320 naman ang kabuuang scholars sa buong lalawigan.
Samantala, sinabi ni Senator Juan Miguel Zubiri na inaprubahan na ng Senado sa second reading ang panukalang batas para sa programa at inaasahang matatapos ang third at final reading approval sa lalong madaling panahon.
Layunin ng panukala na wakasan ang dating sistema ng paboritismo sa scholarship grants sa pamamagitan ng pagtatakda ng tiyak na scholarship slots para sa mahigit 45,000 barangay sa buong bansa.
Kapag naisabatas, magiging permanenteng programa ito at hindi na nakadepende sa kasalukuyang administrasyon, kaya tuloy-tuloy ang educational assistance para sa mga kabataang nangangailangan.
Ayon kay Quezon Mayor Pablo Lorenzo III, may sarili ring educational assistance program ang lokal na pamahalaan na nagdagdag sa bilang ng scholars ng bayan sa 250.
Parehong layunin ng national at local scholarship programs na magbigay ng pinansyal na suporta sa mga kabataan upang makatulong sa kanilang pag-aaral at maiangat ang kanilang mga pamilya mula sa kahirapan. RNT/MDS