Home NATIONWIDE Pagsasabatas sa College of Medicine programs sa 4 SU, ikinagalak ni Bong...

Pagsasabatas sa College of Medicine programs sa 4 SU, ikinagalak ni Bong Go

MANILA, Philippines- Pinuri ni Senador Christopher “Bong” Go si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa paglagda sa panukalang batas na nagtatatag ng mga programang College of Medicine sa apat na state universities.

Binigyang-diin ni Go, co-sponsor ng mga panukalang batas na ito, ang malawak na epekto nito sa kinabukasan ng bansa partikular na sa pangangalagang pangkalusugan.  

Ang mga nasabing panukalang batas ay pangunahing itinaguyod ni Senator Chiz Escudero, chairperson ng Senate Committee on Higher Education.

Ayon kay Go, ang pagsasabatas ng mga panukala ay patunay ng dedikasyon niya at mga kasamang senador sa pagpapabuti ng sistema ng kalusugan sa Pilipinas.  Nagbibigay ito ng pag-asa at oportunidad para sa mga kabataang Pilipino na nangangarap maging doktor.

Bilang chairperson ng Senate Committee on Health and Demography, itinampok din ni Go ang mga pangmatagalang benepisyo ng mga batas na ito, sa pagsasabing mas maraming Pilipino ang mabibigyan ng pagkakataon na ituloy ang mga propesyon sa medisina at pataasin ang potensyal na gawing hub para sa kahusayang medikal ang Pilipinas.

Ang mga bagong batas ay nagtatadhana para sa pagtatatag ng Kolehiyo ng Medisina sa apat na natatanging unibersidad ng estado.  Ang una, ang Republic Act No. 11970, ay lilikha ng College of Medicine sa Benguet State University.  Ang RA 11971, ay magtatag din ng medikal na kolehiyo sa Southern Luzon State University sa Lucban, Quezon.

Nakasaad naman sa RA 11972 ang pagtatatag ng Kolehiyo ng Medisina sa University of Eastern Philippines sa Catarman, Northern Samar.   Panghuli ang RA 11974 na magtataga ng medikal na kolehiyo sa Visayas State University sa Baybay, Leyte.

Ayon kay Go, ang mga bagong institusyong ito ay magpapasigla sa pananaliksik at pagbabago sa larangan ng medisina.

Ang pagpasa sa mga batas na ito ay alinsunod sa Republic Act 11509 o ang “Doktor Para Sa Bayan Act,” na co-authored at co-sponsored din ni Go sa Senado.  

Bukod sa apat na nabanggit na bagong batas, kasama rin si Go sa nag-akda ng Republic Act 11973, na lumikha sa College of Veterinary Medicine sa Bicol University sa Ligao City, Albay. RNT

Previous articlePatay sa Japan quake 30 na!
Next articleFirework-related injuries umakyat na sa 443