MANILA, Philippines – Nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa mga mananampalataya na mag-obserba ng “digital media fasting” ngayong Kuwaresma bilang paraan upang muling matuklasan ang katahimikan, panalangin, pagninilay, at tunay na relasyon.
Sa isang pastoral letter na nilagdaan noong Biyernes, sinabi ni CBCP President Archbishop Gilbert Garcera na ang digital media fasting ay isang “makabagong pagpapahayag ng pagbabalik-loob at pagbabago.”
Ipinaalala ni Garcera na ang sobrang paggamit ng digital media ay madalas na nagiging sanhi ng pagka-distract at paghina ng buhay espiritwal.
Binigyang-diin niya na ang pag-aayuno ay hindi para ipakita lamang, kundi isang personal na alay sa Diyos.
Hindi lamang ito limitado sa pagkain kundi tumutugon din sa mga hamon ng modernong panahon.
Ayon kay Garcera, ang pagsasagawa ng digital media fasting ay nagbibigay ng mas maraming oras para sa panalangin, pagbabasa ng Bibliya, debosyon sa Eukaristiya, paggawa ng kabutihan, at makahulugang pakikisalamuha.
Narito ang mga mungkahing paraan upang magsagawa ng digital media fasting:
– Iwasan ang paggamit ng telepono bago matulog at pagkagising
– Limitahan ang oras sa social media at streaming
– Magkaroon ng meals at gatherings na walang gadgets
– Subukan ang 24-oras o weekend na digital fasting
– Alisin ang mga app na nakakagulo ng atensyon
– Palitan ang oras sa screen ng panalangin, serbisyo, pagbabasa, o pakikipag-usap
Ang Ash Wednesday na hudyat ng pagsisimula ng Kuwaresma, ay nananawagan sa mga Katoliko na muling sariwain ang kanilang pananampalataya at maghanda para sa muling pagkabuhay ni Hesus sa pamamagitan ng panalangin, pag-aayuno, at kawanggawa.
Ngayong taon, ang Ash Wednesday ay sa Pebrero 18. Jocelyn Tabangcura-Domenden