Home NATIONWIDE Pagsasampa ng kaso vs Guo inaprubahan ng Comelec

Pagsasampa ng kaso vs Guo inaprubahan ng Comelec

MNILA, Philippines – Inaprubahan ng Commission on Elections (Comelec) en banc ang rekomendasyon ng kanilang law department na maghain ng reklamong motu propio laban kay suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo dahil sa material misrepresentation o pagsisinungaling.

Sa kabila nito, sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na si Guo ay bibigyan ng pagkakataon na ipaliwanag ang kanyang panig.

Ayon kay Garcia, asahan nang gugulong ang proseso at sisimulan na ang pagsagawa ng preliminary investigation.

Ang reklamo ay nag-ugat sa naunang fact-finding investigation na isinagawa ng Comelec law department kaugnay sa kandidatura sa pagka-alkalde ni Guo dahil sa paglabag nito sa Section 74 na may kaugnayan sa section 262 ng Omnibus Election Code.

Sinabi rin ni Garcia na susunod na maglabas ng subpoena ang Comelec law department laban kay Guo upang mai-serve at kaagad siyang mapasagot sa mga akusasyon.

Bagamat may karapatan si Guo na huwag sagutin ang mga paratang laban sa kanya, sinabi ni Garcia na mas makabubuting linawin ng public official ang mga bagay-bagay. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)