Home HOME BANNER STORY Pagsertipikang urgent sa Anti-Political Dynasty Bill, posible — Malacañang

Pagsertipikang urgent sa Anti-Political Dynasty Bill, posible — Malacañang

170
0

POSIBLENG isertipika bilang urgent ang Anti-Political Dynasty Bill, lalo pa’t natuwa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa naging hakbang ng Kongreso na magsagawa ng nationwide public consultations ukol sa panukalang batas na nagbabawal sa political dynasty.

“Natuwa po ang Pangulo dahil ang nais po ng Pangulo ay maipasa ang nasabing bill, ang Anti-Political Dynasty Bill, dahil iyan din po ang nais ng ating mga kababayan,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malacañang.

Nauna rito, umarangkada noong Huwebes, Pebrero 12, ang public consultations ng House Committee on Electoral Reforms and Suffrage kaugnay ng mga panukalang Anti-Political Dynasty Bill.

Ang unang konsultasyon ay ginanap sa Carsigma Gym sa Carmona, Cavite, na dinaluhan ng tinatayang 1,500 kinatawan mula sa mga opisyal ng barangay, non-government organizations, sektor ng kabataan, at iba pang grupo.

Pinamunuan ang konsultasyon ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, chairman ng komite.

“Kapag po naibigay na po ’yung version ng dalawang Kongreso para po malaman kung dapat po ba itong i-certify as urgent, dahil depende po iyan sa provisions, makakaasa po kayo riyan,” ani Castro.

Matatandaang, hinikayat ni Pangulong Marcos ang Kongreso na gawing prayoridad ang pagtalakay sa Anti-Dynasty Bill.

Hiniling ng Pangulo sa Kongreso na mas mabuting unahin ang masusing pagtalakay ng mga mambabatas sa nasabing panukalang batas at agad itong ipasa.

— Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here