MANILA, Philippines – Hindi maaaring suspendihin ng isang Christian school ang isang dalagang guro dahil sa pagbubuntis kahit na hindi ito kasal.
Ito ang naging desisyon ng Korte Suprema nang idineklara nitong illegal ang pagsuspinde ng Bohol Wisdom School (BWS) sa isang guro dahil sa pagkakabuntis nang hindi pa ikinakasal.
Binigyang-diin ng Korte Suprema na ang premarital sexual relations sa pagitan ng dalawang single and consenting adults na humahantong sa pagbubuntis ay hindi imoral. Walang batas na nagbabawal dito at hindi rin ito sumasalungat sa anumang pangunahing patakaran ng Estado na makikita sa Konstitusyon.
Nilinaw ng Korte na sa ilalim ng batas, ang pamantayan ng moralidad na naaangkop sa lahat ay pampubliko at sekular, hindi base sa relihiyon.
Ang pampubliko at sekular na moralidad ay tumutukoy sa pag-uugali na ipinagbabawal dahil sa mga nakakapinsalang epekto nito sa lipunan ng tao sa halip na batay sa mga paniniwala sa relihiyon.
Dahil hindi maituturing na imoral ang pagbubuntis ng guro, hindi ito wastong batayan para sa kanyang pagkakasuspinde.
Inutusan ng Korte ang BWS na bayaran ang guro ng backwages at mga benepisyong dapat bayaran sa kanya noong panahon na siya ay nasuspinde.