MANILA, Philippines- Ipinagpaliban nitong Linggo ang pag-alis sa langis mula sa motor tanker na lumubog sa Manila Bay, na may pangamba sa isang lumalaking sakuna sa kapaligiran habang ang pagkalat ng langis ay umabot sa pampang sa unang pagkakataon.
Muling isasagawa ang siphoning sa 1.4 milyong litro ng industrial fuel oil mula sa barko sa Martes ng maaga upang maselyuhan muna ng divers ang siyam na tumatagas na valves, ayon kay Philippine Coast Guard spokesman Rear Admiral Armando Balilo.
Sinabi ni Balilo na ang utos ay selyuhan muna ang valves bago simulan ang siphoning operations upang maiwasan ang mas malalang leakage.
Ayon pa kay Balilo, nakitaan ng maliit na patches ng langis sa pampang ng munisipalidad ng Bulacan.
Ang kontaminadong baybayin ay nasa tabi ng isang reclamation project para sa nakatakdang international airport, wika niya.
Sinabi ni Balilo na iniimbestigahan din ng coast guard ang ulat ng environmental group na Greenpeace na may “makapal na layer ng langis” na bumabalot sa dagat nitong Linggo– mga apat na kilometro (2.5 milya) sa baybayin ng munisipalidad ng Hagonoy, malapit sa Bulacan.
Nagbabala ang coast guard na magiging “environmental catastrophe” kung ang buong kargamento ay tumagas.
Sinuspinde na rin ang pagsasagawa ng fishing activity sa Manila Bay upang maiwasan ng mga tao na makakain ng kontaminadong isda. Jocelyn Tabangcura-Domenden