Home NATIONWIDE Pagsisimula ng local campaigning sinabayan ng Oplan Baklas ng Comelec

Pagsisimula ng local campaigning sinabayan ng Oplan Baklas ng Comelec

(c) MMDA

MANILA, Philippines – Sa pagsisimula ng kampanya sa lokal na posisyon ngayong Marso 28, ang Commission on Elections naman ay nagsahawa ng Oplan Baklas o ang pagtanggal ng mga campaign materials na lumabag sa patakaran.

Pinangunahan ito ni Comelec Chairman George Garcia, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at EcoWaste Coalition.

(c) MMDA

Ayon kay Garcia, marami pa ring mga pasaway na naglalagay ng mga campaign materials sa mga hindi designated area.

Pinuna ni Garcia ang mga kandidato na sana bago nagsimula ang pag-arangkada ng local campaign ay pinatanggal na ang kanilang mga campaign material na nasa pampublikong lugar upang sa gayon ay hindi na sila nahirapan pa.

“Alam nyo kung ako yung kandidato bago nagsimula ang araw na ‘to. pinatanggal ko na yung nasa public places para hindi na pahirapan pa kami, kakadumi ng kamay namin kakatangal-ang hirap magtanggal ng mga alambre,” saad ni Garcia.

“Sana pinatanggal na lang agad nila para naman Comelec, MMDA, LGU natin, at kasama na rin yung ibat-ibang sektor para lamang linisin ang mga public places,” dagdag pa ni Garcia.

Nanawaga din siya sa mga kandidato na magkusa sa pagtatanggal ng illegal campaign materials para makapag-focus ang Comelec at iba pang concerned agencies sa ibang mga gawain.

Ilan sa mga inalis na mga campaign posters ay mali ang sukat at wala rin sa common poster areas.

Ayon kay Garcia, base sa batas ay susulatan na lamang at bibigyan ng tatlong araw ang mga violators upang tanggalin ang mga illegaly posted materials o mga materyales na gumagamit ng hindi environmental friendly.

Babala ni Garcia, kung sa loob ng tatlong araw ay hindi matanggal ang mga illegal campaign materials, sila ay kakasuhan ng election offense at disqualification. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)