MANILA, Philippines – Ipinaubaya na ng Malakanyang sa pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang patuloy na pagtsi-check at mahigpit na koordinasyon sa Philippine National Police (PNP) kaugnay sa usapin na may pondo mula sa ibang bansa ang mga kamakailang protesta laban sa pamahalaan.
“At kung ito man ay may katotohanan, kapuwa Pilipino kung, again, kung may katotohanan at makikita po sa kanilang pag-iimbestiga na foreign funded itong kanilang isinasagawang rally masasabi po nating ito ay pagtataksil sa bayan. At hindi po nararapat ito na pinanghihimasukan tayo ng ibang bansa. Ang politika natin ay mukhang pinanghihimasukan na ng ibang bansa, so, hindi po maganda,” ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.
“Sana hindi po lumalim pa ang ganitong klaseng mga aktibidad kung nagpopondo lang naman din po ay ibang bansa,” aniya pa rin.
At kung may direktiba ang Pangulo bilang Commander-in-Chief hinggil sa bagay na ito ay sinabi ni Castro na “Still, ganoon pa rin po, kung ano po ang hindi dapat sa bansa o kung nasisira po ang interes ng bansa dapat pong mas imbestigahan po. Pero sa ngayon po ay tsini-check naman po ito, continuously looking on this matter ang AFP.”
Nauna rito, iniimbestigahan na ng AFP kung posibleng may pondo mula sa ibang bansa ang mga kamakailang protesta laban sa pamahalaan, ayon kay acting AFP spokesperson Rear Admiral Roy Vincent Trinidad nitong Martes.
“We are looking at all possible avenues… to ensure that domestic concerns will remain domestic and will not be influenced by foreign funding,” sabi ni Trinidad, na layong maprotektahan ang integridad at seguridad ng lipunang Pilipino.
Ito ay kasunod ng rally ng United People’s Initiative na pinangunahan ng mga retiradong militar sa EDSA People Power Monument, na nanawagan sa pagbibitiw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa pag-withdraw ng suporta ng AFP sa gobyerno.
Binigyang-diin ni Trinidad na hindi makikialam ang AFP sa anumang labag sa konstitusyon. “The AFP will not involve itself in any unconstitutional activity, not during his watch,” aniya. (KRIS JOSE)