Home NATIONWIDE Pagsita ni VP Sara sa 2025 budget, diversionary tactic lang – solon

Pagsita ni VP Sara sa 2025 budget, diversionary tactic lang – solon

MANILA, Philippines – Para kay House Special Committe on Bases Conversion Chairman at Zambales Rep Jay Khonghun malinaw na “diversionary tactic” lamang para iiwas sa isyu ng impeachment ang ginagawang pagsita ni Vice President Sara Duterte sa isyu ng 2025 national budget.

“Tama na ang diversion. Hindi na makakaiwas si VP sa pagsagot sa impeachment charges. Malapit na ang kanyang Senate trial,” paliwanag ni Khonghun.

Batay sa iskedyul na inihayag ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang trial para sa impeachment ay sa Hulyo 30.

Sinabi ni Khonghun na ang usapin sa kinukuwestiyong budget ay naisampa na sa Korte Suprema kaya dapat hintayin ang desisyon ukol dito.

Kumpiyansa naman si Khonghun na walang makikitang iregularidad sa naipasang budget.

“This matter has been brought to the Supreme Court by concerned citizens. In fact, the respondents have been required to comment on their petitions. So, let’s just await the decision of the high court. Let us not jump the gun on the tribunal,” ani Khonghun.

Sa isang pagtitipon sa Cagayan de Oro, sinabi ni VP Sara na may korapsyon sa pagpasa ng P6.352-trillion budget, gayunpaman, hindi ito maitatama at ang pinsalang idinulot nito ay hindi na maibabalik kahit pa man matanggal sa pwesto si House Speaker Martin Romualdez.

Kapwa sinabi naman nina House Deputy Speaker at Quezon Rep. David Suarez at House Deputy Majority Leader at La Union Rep. Paolo Ortega na ang paratang na korapsyon ni VP Sara sa 2025 budget ay walang batayan at malayo naman sa articles of impeachment na isinampa laban dito na pawang may ebidensya.

“Walang kahit anong batayan ang paratang ng korapsyon laban sa House leadership. Ang tunay na isyu ay ang confidential funds na ginastos ni Vice President Sara Duterte sa loob lamang ng 11 araw, at kung bakit ang mga recipient ay may pangalan na tila kathang-isip—gaya nina ‘Mary Grace Piattos,’ ‘Jay Kamote,’ ‘Xiaome Ocho,’ at kung sinu-sino pang mukhang gawang pangalan lang. Ito ang dapat niyang ipaliwanag, hindi ang pagbibintang sa iba,” ani Suarez.

Ang 2025 national budget ay pinakalamaking budget sa kasaysayan ng Pilipinas. Gail Mendoza