MANILA, Philippines – Iginiit ng Department of Labor and Employment na ang desisyon sa wage hike ay hindi sakop ng mandato ng ahensya.
Sa news forum, sinabi ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na hindi niya susuportahan o babatikusin ang P200 wage hike na ipinanukala sa Kamara dahil ang mandato lamang ng kagawaran ay magpatupad ng batas.
“Gusto kong bigyan ng diin — sa nakalipas na panahon — kapag nagbibigay ng technical inputs, binibigyan ng kahulugan. Gusto kong bigyan ng diin na hindi trabaho ng DOLE ‘yun (pagbibigay ng reaction) at kung mayroong mga nuances o mga circumstances, consequences, aalalay kami,” anang opisyal.
Sinabi ni Laguesma na ipinipresenta ng DOLE ang mga scenario sa mga mambabatas na nanghihingi ng input, katulad ng epekto ng wage hike sa inflation o sa Gross Domestic Product.
“Sama-sama tinitingnan yun kaya mayroong ginagawa na yung mga miyembro ng regional tripartite, pinagtutuunan ng pansin yun,” ani Laguesma.
Bilang pagtatapos, sinabi ng DOLE Secretary na layon ng DOLE na magbigay ng mas marami at dekalidad na trabaho sa mga Filipino.
“Yan ang magiging daan o susi para ang ating mga manggagawa — mabibigyan ng pagkakataon ang mga new entrants to the labor force,” sinabi pa niya.
Matatandaan na inaprubahan ng House Committee on Labor and Employment ang panukala na nagbibigay mandato sa “all employers in the private sector… regardless of capitalization and number of employees, to pay their workers an across-the-board wage increase of P200 a day.”
Nagpahayag na si House Speaker Martin Romualdez ng posibilidad na isulong ng Kamara ang naturang increase.
Sa kabila nito, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kailangan pang pag-aralan ang panukala dahil sa mga pangamba na ang wage increase ay magdudulot ng pagtanggal sa ilang empleyado para mapanatili ang profit margins ng mga negosyo. RNT/JGC