MANILA, Philippines – Kukuwestyunin sa Korte Suprema ang desisyon ng Commission on Elections (Comelec) na payagan si Pastor Apollo Quiboloy na tumakbo sa 2025 elections sa kabila ng patong-patong na kasong kinakaharap nito.
Ayon sa Workers’ and Peasants’ Party (WPP) na pinangungunahan ni senatorial candidate Sonny Matula, maghahain sila ng petition for certiorari sa Supreme Court para hilingin na mabaligtad ang ruling ng Comelec na kanilang iginiit na hindi patas at discriminatory.
Una nang ibinasura ng Comelec ang kanilang petisyon na ideklarang nuisance candidate si Quiboloy.
Sa isang statement, inihalintulad ng WPP ang desisyon ng Comelec na “biblical moment of injustice” kung saan mas pinili ng Comelec si Barabbas kaysa kay Hesus.
Iginiit ng WPP na mistulang binigyan pa ng Comelec ng pabuya ang isang lumalabag sa batas at isinantabi ang mga karapat dapat umano na kandidato gaya nina Sultan Subair Mustapha ng Marawi at iba pa.
Noong Nobyembre, idineklara ng Comelec na mga nuisance candidate ang 10-man Senate slate ng WPP maliban kay Matula.
“This isn’t just an insult to the sultan or the democratic process—it’s an insult to logic and fairness. Why reward someone with a track record of breaking the law over a candidate with a clean slate?” ani Matula. TERESA TAVARES