Home NATIONWIDE Pagtalop ng DepEd sa ‘ghost’ students suportado ng COCOPEA

Pagtalop ng DepEd sa ‘ghost’ students suportado ng COCOPEA

MANILA, Philippines- Inihayag ng Coordinating Council of Private Educational Association nitong Sabado na suportado nito ang imbestigasyon ng Department of Education sa “ghost” students kasabay ng paggiit nito na malaking tulong ang Senior High School Voucher Program sa aktuwal na mga mag-aaral.

“Ang dami pong natutulungan ng Senior High School Voucher Program ng government. This year alone, more than a million ang ating subsidy beneficiaries and mayroong 4000+ na private schools participating in the program,” wika ni COCOPEA lawyer Joseph Estrada.

Ang DepEd ay mayroong Education Service Contracting agreement sa private schools upang tanggapin ng mga ito ang mga mag-aaral upang mapaluwag ang public schools. Nilalayon ng voucher program na mapababa ang halaga ng private school tuition.

Ayon sa COCOPEA, hindi nito alam kung alin sa mga private school ang kabilang sa 12 na innimbestigahan sa potensyal na fraud subalit iginiit na ang member schools nito “have consistently remained uninvolved in fraud cases.”

Nitong Lunes, sinabi ng DepEd na iimbestigahan nito ang ilang paaralan na nang-aabuso umano sa voucher program. Inihayag ni Education Secretary Sonny Angara na maghahanap sila ng legal measures laban sa mga mapatutunayang nagkasala.

Sinita ni Sen. Win Gatchalian noong 2024 ang umano’y pagkakakaroon ng mahigit 19,000 “ghost” students, batay sa 2016 at 2018 reports ng Commission on Audit (COA).

Subalit, binanggit ng COCOPEA na mayroong mga kaso kung saan nagkakaroon ng “double billing” sa private schools hindi dahil sa panloloko kundi dahil sa system challenges.

“Halimbawa, ‘yung isang estudyante nag-decide siya na mag-enroll sa private school tapos nagbago ang isip at lumipat sa isa na namang private school within the billing period, talagang magkakaproblema kung sino ‘yung magbi-bill,” paliwanag ni Estrada.

Iginiit niya na nag-aalala ang COCOPEA na malaki ang magiging epekto ng misused funds mula sa umano’y ghost students ng 12 paaralan sa pamahalaan at sa programa.

Sinabi rin niyang isinusulong ng grupo ang “quality assurance of the private schools” na nakikilahok sa programa, iginiit na makatutulong ang pagpapahusay ng screening na maiwasan ang “ghost” students. RNT/SA