Home NATIONWIDE May-ari ng gusali na ginamit bilang POGO hub sa P’que nakaambang kasuhan

May-ari ng gusali na ginamit bilang POGO hub sa P’que nakaambang kasuhan

MANILA, Philippines- Sinisilip ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang pagsasampa ng criminal cases laban sa may-ari ng gusali sa Parañaque City na sinalakay kamakailan matapos maiulat ang operasyon ng isang illegal Philippine offshore gaming operator (POGO).

Sa regular Saturday News Forum sa Quezon City, sinabi ni PAOCC director and spokesperson Winston Casio na binabalak din ng PAOCC na samsamin ang buong gusali na ginamit umano ng Dan Ying Gaming Corp. kung saan dalawang taon na umanong nagsasagawa ng POGO operations.

“Obviously, we will move for the criminal and civil forfeiture of the whole building sapagkat ‘yung operation noong POGO ay nasa fourth, fifth, sixth, and seventh (floors),” pahayag ni Casio, idinagdag na binabantayan din ng security agency ang gusali.

“So, may kakaharaping malaking problema ang may-ari ng building sa kaniyang pagpayag na magamit ang kaniyang building bilang POGO hub,” pahayag niya.

Aniya pa, maaaring maharap ang may-ari ng gusali sa human trafficking case dahil sa “knowingly renting out his facility to POGO operations for the past several months.”

Binalewala umano ng owner ang “red flags,” kabilang ang kuwestiyonableng P20 milyong buwanang renta.

“Nakita naman nila ang red flag. Maraming foreigners coming in and out doon sa building. Nakita naman siguro nila na maraming computers. All of those are red flags already but they did not fulfill their social responsibility,” giit ng opisyal.

May kabuuang 435 POGO workers, kabilang ang 148 foreign nationals, ang nadakip sa raid sa Chinese-run POGO hub sa loob ng ATI building sa harap ng Parañaque Integrated Terminal Exchange nitong Huwebes ng gabi.

Nasa 136 Chinese nationals, limang Vietnamese, tatlong Malaysians, dalawang Thais, isang Taiwanese, at isang Indonesian ang isinailalim sa kustodiya ng mga awtoridad, base kay Casio.

Inihayag ni Casio na ang Dan Ying Gaming Corp. ay pagmamay-ari umano ng isang kilalang Filipino-Chinese businessman.

Aniya, inaalam pa ng PAOCC ang beneficial owners at corporators ng gaming firm. RNT/SA