Home OPINION PAGTANAW NG UTANG NA LOOB, TATAK PINOY

PAGTANAW NG UTANG NA LOOB, TATAK PINOY

 NAKATUTUWA lang na tila nakuha na ng mga opisyal ng Embahada ng Estados Unidos ang isa sa magandang ugali ng mga Pinoy tulad nang pagtanaw ng kanilang utang na loob.

Nito lang kasing Hulyo 2, 2024, maagang isinagawa ng US Embassy ang bonggang-bonggang pagdiriwang ng kanilang American Independence Day na ginugunita tuwing ika-apat ng buwan ng Hulyo ng taon sa pamamagitan ng pag-organisa ng 2024 U.S. Independence Day Reception.

Ginanap ang naturang okasyon sa Shangri-La The Fort, Manila sa Bonifacio Global City  sa Taguig City na dinaluhan siyempre ng mga opisyal ng Embahada ng Estados Unidos sa Pilipinas sa pangunguna ni US Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson.

Imbitado rin sa naturang mahalagang okasyon ang mga diplomat at ambassador ng iba’t-ibang mga bansa sa Pilipinas, at siyempre, ang mga matataas na opisyal ng pamahalaan sa pangunguna nina Defense Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro, Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen. Romeo Brawner, Jr., National Intelligence Coordinating Agency director Ret. P/LtGen. Ricardo De Leon at marami pang ibang matataas na opisyal ng pamahalaan.

Dahil nasa Maynila ang punong tanggapan ng Embahada ng Estados Unidos, hindi pwedeng hindi naimbita si Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan. Pero hindi lang pala si Lacuna, sa lahat ng opisyal ng Lungsod ng Maynila, ang inimbitahan ng Embahada sa naturang okasyon kundi maging ang dating hepe ng Manila Department of Social Welfare na si Jay Dela Fuente na kasalukuyang nakatalaga sa tanggapan ng City Administrator kung saan mapagkumbabang nilapitan nito at nakadaupang-palad ang kauna-unahang babaeng alkalde ng Maynila at nagkaroon pa sila ng pagkakataon na mag-“selfie” picture.

Marami tuloy ang nagtaas ng kilay dahil kung tutuusin, wala namang mabigat na papel o katungkulang hinahawakan sa ngayon sa Manila City Hall si Dela Fuente, pero napabilang siya sa mga “malalaking tao” na imbitado sa napakalaki at mahalagang okasyon.

Paliwanag ni Dela Fuente, hindi lang ngayong taon siya inimbitahan ng US Embassy sa tuwing may mahahalaga silang okasyon kundi mula pa noong siya pa ang namumuno sa MDSW sa pagitan ng taong 2008 hanggang 2013. Sabi niya, sa panahon ng kanyang panunungkulan, may ilang pagkakataon na lumapit sa kanya ang mga opisyal ng Embahada upang tulungan ang kanilang kababayan na dumaranas ng kalupitan sa kamay ng napangasawang Pinoy na dahilan upang magkaroon ng matinding trauma.

Tinutukan, aniya, niya ang naturang kaso na dahilan upang mailigtas ang dayuhan, mabigyan ng pansamantalang matitirhan at matulungan sa pagsasampa ng kaso laban sa ka-partner na gumagawa sa kanya ng pananakit. Mula noon, sa tuwing may American citizen in crisis situation sa Lungsod ng Maynila, siya ang tinatawagan at hinihingan ng tulong ng Embahada ng Amerika na kaagad naman niyang natutugunan kaya’t mula noon, sa tuwing may mahahalagang okasyon ang Embahada, isa siya sa mga iniimbitahan na para sa kanya ay isang malaking karangalan.

Dito mapatutunayan na talagang nakuha na ng Embahada ang ugaling pagtanaw ng utang na loob dahil kahit lumipas na ang mahabang panahon, hindi nila nalilimutan ang ginawang pagtulong sa kanila ng isang katulad ni Dela Fuente.