Home OPINION NGIPIN SA NGIPIN O TINAPAY SA BATO?

NGIPIN SA NGIPIN O TINAPAY SA BATO?

MAKARAAN ang iringan sa Ayungin Shoal noong Hunyo 17 sa pagitan ng mga Pinoy at Chinese, marami ang nagbitiw ng iba’t ibang salita laban sa mga Chinese.

Kabilang sa nagsalita ang ilang militar na kailangan na nilang tapatan ang anomang gagawin ng mga Chinese sa mga susunod na araw.

Kumpiskasyon sa baril ng mga Chinese, pagwasiwas ng mga palakol o itak at pagputol ng daliri ng mga ito at pagwasak o paninira sa mga bangka ng mga ito.

Ito’y dahil ito ang mga pinaggagawa ng mga Chinese sa mga Pinoy.

Ngipin sa ngipin, mata sa mata?

Ang mga dayuhan, panay rin ang ngakngak laban sa mga Chinese at panay sulsol sa mga Pinoy na tapatan nang buo ang mga Chinese.

May ilang lider-simbahan ding nanggagatong sa umuusok na sitwasyon at kung pakikinggan ang mga ito, mag-aapoy ang sitwasyon at patungo sa giyera ang lahat.

Pero makaraan ang ilang araw sa pagsasabing kailangan nang gumawa ang Pinas ng mga aksyon na higit sa protesta na pasok sa isang tainga at labas sa kabila ng mga Chinese, mismong si Pangulong Bongbong Marcos ang nagsabi na dapat pahupain, i-deescalate ang iringan o tensyon.

Ang aksyon ng Pangulo ang tama sapagkat higit na malawak na konsiderasyon ang nasa isipan nito.

Una, hindi handa ang Pilipinas sa posibleng giyerang tiyak na magiging madugo at mapanira batay sa ngaganap sa Ukraine at Gaza Strip na dehado sa lahat ng bagay ang mas mahina, lalo na sa mga armas pandigma.

Ikalawa, hindi naman talaga maaasahan ang mga dayuhan na sulsol sa giyera kapag nagkagiyera lalo’t ang magbenta ng armas sa Pilipinas ang nasa isip ng mga ito at katunayan, mag-oorder o bibili na ang Pinas ng mga fighter jet at iba pa mula sa kanila.

Ikatlo, mas nakararami pa ring Pinoy ang gustong daanin sa usapan ang lahat at dapat silang pakinggan ng pamahalaan at ng Pangulo.

Sa mga panahong ito, mabuting batuhin muna ng tinapay ang nambabato sa atin ng bato.