Home NATIONWIDE Pagtapyas sa pondo ng DepEd sa 2025 nat’l budget ikinalungkot ni Angara

Pagtapyas sa pondo ng DepEd sa 2025 nat’l budget ikinalungkot ni Angara

MANILA, Philippines- Ikinalungkot ni Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara ang pagtapyas sa pondo ng departamento mula sa pinal na bersyon ng 2025 budget na inaprubahan ng Bicameral Conference Committee.

Nakalulungkot aniya na ang malaking bulto ng tinapyas na budget, nagkakahalaga ng P10 bilyon na nakalaan pa naman sa computerization program ng DepEd.

“Medyo nalulungkot kami doon kasi gusto medyo moderno ang ating edukasyon at yung ating mga teachers at estudyante ay may nagagamit na makabagong teknolohiya, mga computers,”ayon sa Kalihim.

Nagpahayag din ng pagkabahala si Angara sa lumalawak na digital divide o agwat teknolohikal, isyu ng paggamit ng internet sa pagitan ng mayayaman at mahihirap kasunod ng pangyayaring ito.

Sa kabilang dako, kinondena naman ni ACT Teachers Partylist Representative France Castro ang ‘budget cut’ ng administrasyong Marcos, tinawag niya itong “a clear manifestation of the government’s anti-education and anti-poor policies.” 

“Paano nga ba maiibsan ang learning crisis kung binabawasan pa ang pondo ng edukasyon? Ang P10 billion na kinat sa computerization program ay malaking dagok sa ating mga mag-aaral na desperadong makahabol sa digital age,” ang winika ni Castro.

 “The answer to corruption is not to decrease funding but to strengthen accountability measures and increase support for our learners.” ayon kay Castro.

Samantala, hiniling ni dating ACT Teachers Partylist representative Antonio Tino ang agarang pagbabalik ng tinapyas na budget.

 “This administration talks about economic recovery but how can we achieve that when we’re compromising our children’s future? Education is a right, not a privilege. Kung may pondo para sa confidential funds at infrastructure projects, dapat may pondo rin para sa edukasyon ng ating kabataan,” ayon naman kay Tino. Kris Jose