Home TOP STORIES Pagtatag ng local pension fund target sa Las Piñas

Pagtatag ng local pension fund target sa Las Piñas

Iminungkahi ni dating Las Piñas City Councilor at negosyanteng tumatakbo bilang kandidato ng pagka-alkalde sa lungsod na si Carlo Aguilar ang paglikha ng isang Local Pension Fund na magbibigay ng buwanang tulong pinansyal sa mga senior citizen ng lungsod.

Layunin ng inisyatibong ito na maibsan ang araw-araw na pasanin ng libu-libong matatanda na umaasa lamang sa limitadong tulong mula sa pamahalaan.
Sa kasalukuyan, tinatayang 11,000 lamang sa mga senior citizen ng Las Piñas ang tumatanggap ng ₱1,000 buwanang social pension mula sa pambansang pamahalaan.
Nilalayon ng mungkahing local pension fund ni Aguilar na palawakin ang saklaw ng tulong para umabot sa tinatayang 60,000 senior citizen sa lungsod. Magsisimula ito sa mga pinaka-nangangailangan—yaong mga walang pensiyon mula sa SSS o GSIS.
“Walang lolo o lola ang dapat maiwan. Hindi dapat pinipilit ng ating mga nakatatanda na mamili kung gamot o pagkain ang uunahin, lalo na’t hindi sapat ang isang libo sa panahon ngayon. Buong buhay silang nagtrabaho, nagtaguyod ng pamilya, at nag-ambag sa pag-unlad ng ating lungsod. Panahon na para suklian natin ito sa makabuluhang paraan,” ani Aguilar.
Ayon kay Aguilar, ang magiging halaga ng buwanang pensiyon ay tutukuyin sa pamamagitan ng masusing konsultasyon sa mga samahan ng senior citizen at iba pang sektor. Ipinaliwanag din niya na maisasakatuparan ang pondo sa pamamagitan ng pag-aayos ng badyet, pakikipagtulungan sa pribadong sektor, at pag-alis ng mga hindi kinakailangang gastusin sa pamahalaan.
“Kailangang repasuhin ang kasalukuyang paggastos ng lungsod upang matukoy kung aling bahagi ang maaaring ilipat para pondohan ang pensiyon. Bahagi rin ng plano ang paglapit sa mga corporate social responsibility (CSR) programs ng malalaking kumpanya,” dagdag pa ni Aguilar.
Ang mungkahing ito ay kaakibat ng mga pambansang pagsisikap na palakasin ang suporta para sa mga nakatatanda. Sa Kongreso, may nakabinbing panukala—House Bill No. 10423—na naglalayong magkaroon ng universal social pensionpara sa lahat ng Pilipinong senior citizen, anuman ang kanilang estado sa buhay. Habang hindi pa ito naipapasa, nilalayon ng lokal na inisyatiba ni Aguilar na agad matugunan ang pangangailangan ng mga matatanda sa Las Piñas.
Aminado si Aguilar na kakailanganin ng maingat na pagpaplano at pagba-budget upang maipatupad ang programa sa buong lungsod, ngunit nananatili siyang positibo na ito ay maisasakatuparan. Kasama ang kanyang katandem na si Louie Bustamante, na tumatakbo bilang bise alcalde ay buo ang paniniwala nilang posible itong mangyari. (James I. Catapusan)