MANILA, Philippines – Nilinaw ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) na walang delay sa timeline ng pagtatakda ng minimum wage sa Rehiyon 5 (Bicol) at Rehiyon 11 (Davao), taliwas sa mga ulat mula sa ilang grupo ng manggagawa.
Ayon sa Omnibus Rules on Minimum Wage Determination (NWPC Guidelines No. 03, Series of 2020), pinapayagan ang Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBs) na simulan ang proseso ng pagtatakda ng minimum wage, motu proprio (sa sariling inisyativa) o sa pamamagitan ng petisyon, sa loob ng animnapung (60) araw bago ang anibersaryo ng Wage Order.
Ang anibersaryo ng huling Wage Order para sa Davao Region ay Marso 7, 2026, habang ang Bicol Region ay Abril 5, 2026, o isang taon matapos magkabisa ang huling Wage Order sa rehiyon.
Ang 60-araw na window para simulan ang proseso ng pagtatakda ng sahod para sa Davao Region ay nagsimula noong Enero 6, 2026, kaya ang kasalukuyang panahon ay nasa loob ng legal na itinakdang timeline, habang ang 60-araw na window para sa Bicol Region ay magsisimula sa Pebrero 4, 2026.
“There is no delay and the claim suggesting otherwise is misleading The labor sector is represented in wage boards and the concerned RTWPB representatives in Region 5 and 11 are fully aware of the prescribed timelines and the rules”, ayon sa NWPC.
Ang NWPC at RTWPBs ay nananatiling matatag sa kanilang mandato na pana-panahong suriin at maglabas ng napapanahon at ebidensyadong mga desisyon sa minimum wage para sa mga manggagawa at negosyo, habang sumusunod sa mga pamamaraan na itinakda ng batas at mga itinatag na patakaran. Jocelyn Tabangcura-Domenden