DAVAO CITY- Naguguluhan si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa tatlong Davao City Police Office chiefs na itinalaga at tinanggal sa loob ng isang araw noong Hulyo 10.
“Nalilito ako,” ani Duterte sa maiksing video message niya sa TikTok nang tanungin hinggil sa balasahan sa DCPO.
Itinalaga si Police Col. Lito Patay bilang bagong DCPO head, humalili kay officer-in-charge Police Col. Rolindo Suguilon. Pinalitan naman si Patay ni Police Col. Sherwin Butil ilang oras matapos siyang maupo sa pwesto. Saglit pa lamang itinatalaga si Butil nang sabihin ng Police Regional Office-11 na pinalitan na siya ni Police Col. Hansel Marantan.
Matatandaang kinuwestiyon din ni Davao City Mayor Sebastian Z. Duterte ang mabilis na pagbabago sa DCPO at sa mismong Philippine National Police (PNP).
“Whatever happens here, I would not be surprised. There are a lot of extraordinary movements happening within the PNP here in the region and in the city,” pahayag ni mayor Duterte.
Ipinaliwanag ni PNP spokesperson Police Col. Jean Fajardo na nagdesisyon si Police Brigadier General Nicolas Torre III na kailangang magtalaga ng bagong opisyal kasunod ng assessment ng performance ng DCPO. RNT/SA