Home NATIONWIDE Pagtatayo ng evacuation centers sa buong bansa aprub na

Pagtatayo ng evacuation centers sa buong bansa aprub na

MANILA, Philippines- Inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang ‘Ligtas Pinoy Centers Act’ (Senate Bill No. 2451) na inatasan ang lahat ng local government units na magtayo ng sariling evacuation centers, ayon kay  Senador Win Gatchalian.

Sinabi ni Gatchalian, pangunahing awtor ng panukala, na isang hakbang na lamang, maisasakatuparan pa ang pagkakaroon ng sariling evacuation centers ang bawat lungsod at munisipalidad sa buong bansa.

“Sa panahon ng anumang kalamidad, tulad ng bagyong nararanasan ng bansa ngayon, magiging mas madali ang paglikas ng mga apektadong residente kung mayroon silang permanenteng ligtas na matutuluyan. Mas mapapabilis din ang proseso para sa mga lokal na pamahalaan sa pagtiyak ng kaligtasan ng kanilang nasasakupan,” ayon kay Gatchalian.

Sa ilalim ng panukalang batas, kung saan co-author at co-sponsor si Gatchalian, imamandato na ang pagtatayo ng mga evacuation center sa bawat lungsod at munisipalidad, na magbibigay ng agarang tuluyan para sa mga lumikas o pansamantalang nawalan ng tirahan dahil sa mga bagyo at iba pang mga emergency tulad ng pagbaha, lindol, pagsabog ng bulkan, sunog, pagkalat ng sakit, at iba pa.

Ipinunto ni Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Basic Education, na ang pagtatayo ng evacuation centers sa lahat ng lungsod at munisipalidad ay makakatulong upang matigil na ang paggamit ng silid-aralan bilang pansamantalang tirahan, na nagiging sanhi ng pagkaantala sa pag-aaral tuwing may kalamidad.

“Kung magpapatayo ang bawat lungsod at munisipalidad ng matatag na mga evacuation center, mapipigilan na ang paggamit sa ating silid-paaralan bilang pansamantalang tirahan ng mga nasalanta ng kalamidad,” ayon kay Gatchalian.

Ang panukalang batas ay nagtatakda na ang mga evacuation center ay dapat kayang labanan o matagalan ang hangin na may bilis na hindi bababa sa 300 kilometro bawat oras at seismic activity na umaabot sa 8.0 magnitude.

Ang mga evacuation center ay dapat mayroon ding mga pasilidad tulad ng mga silid-tulugan, magkahiwalay na palikuran at paliguan para sa kalalakihan at kababaihan, lugar para sa paghahanda ng pagkain at kainan, at tinatawag na friendly spaces para sa kababaihan at bata. Ernie Reyes