MANILA, Philippines- Tiniyak ng Pilipinas sa Tsina na hindi nito dapat ituring na banta ang U.S. intermediate-range missile system sa pag-destabilize sa rehiyon.
Nag-deploy kasi ang Estados Unidos ng kanilang missile system sa Pilipinas noong Abril bilang bahagi ng joint military drills ng dalawang bansa, unang pagkakataon na nagtamo ng sistema sa Indo-Pacific region.
Sinabi ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo na binanggit ni Chinese Foreign Minister Wang Yi ang hinaing niyang ito sa missile system sa bilateral talks sa sidelines ng ASEAN meetings sa Laos.
“He (Wang) said it could be destabilising, the presence, and I said ‘No, they’re not destabilizing’,” ang sinabi ni Manalo.
“I believe that (the) particular missiles he’s referring to are only there temporarily,” dagdag na wika nito.
Ani Wang, ang ginawang deployment ng U.S. intermediate-range missile system noong nakaraang buwan ay makadaragdag sa regional tensions at maaaring mauwi sa arms race.
Ang Typhon missile system, may kakayahan na maglunsad ng Tomahawk land attack at SM-6 missiles, ay hindi pinaputok sa isinagawang drills, subalit sinabi ng Pilipinas na inilatag ito para suriin ang feasibility ng paghahatid ng 40-ton weapon system sa himpapawid.
Ang security engagements sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos ay pinaigting dahil hangad ng dalawang bansa na kontrahin ang nakikita nilang agresibong aksyon ng Tsina sa South China Sea at malapit sa Taiwan.
Noong nakaraang buwan, nangako ang Washington ng pondo na nagkakahalaga ng $500 million para sa military at coast guard ng Maynila.
Pinalawig naman ng Pilipinas ang security cooperation nito sa Japan, isa pang pangunahing U.S. ally sa East Asia, na ikinagalit ng Tsina.
“The Chinese side believes that defence cooperation between countries should not target any third party or disrupt regional peace and stability,” ayon kay Zhang Xiaogang, tagapagsalita ng defense ministry ng Tsina.
“The Philippines are inviting wolves into the house and willingly acting as their pawns, which is despised by other regional countries,” patuloy ng opisyal.
Tumaas naman ang tensyon sa pagitan ng Tsina at Pilipinas sa pinagtatalunang teritoryo sa South China Sea.
Noong nakaraang linggo, inakusahan ng Pilipinas ang air force ng Tsina na nagsagawa ng mapanganib na ‘maneuvers’ sa pinagtatalunang Scarborough Shoal.
Nanindigan naman ang Tsina na nago-operate ang kanilang aircraft ‘lawfully at professionally.’
Ang air incident ay matapos na kapwa sang-ayunan ng Maynila at Beijing na maayos na pangasiwaan ang maritime disputes.
Sinabi ni Manalo na umaasa siya na kikilalanin ng Tsina ang provisional arrangement sa Maynila ukol sa resupply missions ng huli sa isang beached vessel sa isa pang contested spot, ang Second Thomas Shoal.
Inaangkin kasi ng Tsina ang malaking bahagi ng South China Sea bilang teritoryo nito kabilang na ang Scarborough at Second Thomas Shoals.
Ibinasura naman nito ang 2016 ruling ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague na ang ‘expansive claims’ ng Beijing sa South China Sea ay walang basehan sa ilalim ng international law.
“We will take legitimate countermeasures against deliberate infringements and provocations to protect our territorial sovereignty and maritime rights and interests,” giit ni Zhang. Kris Jose