MANILA, Philippines- Inihayag ni Pangulong Ferdinand ”Bongbong” Marcos Jr. nitong Martes na naniniwala siyang mas mahusay ang ginagawa ng pamahalaan sa pagtugon sa food poverty.
Sa isang sectoral meeting, inilahad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pagbaba ng bilang ng food poor families.
“We are doing a better job of feeding people who need it,” pahayag ni Marcos sa sectoral meeting sa Malacañang.
Inihayag ng DSWD na ang bilang ng food poor families ay bumaba ng 300,000 noong nakaraang taon mula sa 1 milyong pamilya dahil sa pagpapatupad ng Food Stamp Program (FSP) ng pamahalaan.
Sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian kay Marcos na bumulusok ang bilang ng food poor families sa 700,000 mula sa 1 milyong pamilya.
“When we designed this (FSP), it was at one million. So, dahil bumaba na po siya we have leg room doon sa area na ‘yun,” pahayag ni Gatchalian sa pulong.
Ang Food Stamp Program ay ang flagship program ng pamahalaan sa ilalim ng Executive Order (EO) No. 44.
Pinondohan sa pamamagitan ng $3-million grant mula sa Asian Development Bank (ADB), magbibigay ang programa ng electronic benefit transfer (EBT) cards na lalagyan ng food credits na nagkakahalaga ng P3,000 kada buwan upang makabili ng piling food commodities mula sa DSWD-registered o accredited retailers. RNT/SA