Home NATIONWIDE Pagtulong sa mga magsasaka at pagtiyak sa food security prayoridad ng “Alyansa”...

Pagtulong sa mga magsasaka at pagtiyak sa food security prayoridad ng “Alyansa” senatorial bets

(c) Cesar Morales

SAN JOSE DEL MONTE CITY — Idinetalye ng mga miyembro ng administration-backed senatorial slate na Alyansa Para sa Bagong Pilipinas ang  kanilang mga panukala para matulungan ang mga magsasaka, mapababa ang presyo ng mga pagkain at gawing food self-sufficient ang Pilipinas.

(c) Cesar Morales

Sa isang pressconference ng Alyansa sa Hotel Savano sa San Jose del Monte, Bulacan bago sila tumulak sa campaign rally na isinagawa sa City College of San Jose del Monte Grounds, Brgy. Minuyan, sinabi ni dating Senate President Vicente “Tito” Sotto na dapat bilihin ng pamahalaan ang 50 porsiyento ng mga prodüksiyon ng mga magsasaka at mga mangingisda sa presyong hindi talo ang mga ito.

“Government must buy 50 percent of all the outputs of all farmers and fisher folk in the country at their farmgate price. Doon, kahit sinong magsasaka ang kausapin mo ‘pag sinabi mo ‘yan hindi maaaring hindi matuwa. Pinag-aralan namin ‘yan,” ani Sotto.

Ganito rin ang sentimyento ni dating Senador Panfilo “Ping” Lacson, aniya, dapat nang  alisin ang sobrang dami ng mga middlemen  na nagiging sanhi sa pagtaas ng presyo ng mga pagkain.

“Mag-eliminate tayo ng katakot-takot na middlemen. Kikita ng maganda ‘yung farmers at saka ‘yung fisherfolk, at the same time bababa ‘yung presyo ng bilihin,” paliwanag ni Lacson.

Nais naman ni dating Senador Manny Pacquiao na ma-regulate ang produksiyon ng pagkain upang maiwasan ang pagmanipula sa mga presyo nito.

“Dapat i-regulate ng ating gobyerno ‘yung pag-release ng basic commodities sa market at dapat bibilihin ng gobyerno. Magkakaroon ng concrete program ang ating government na bilhin ‘yong mga products ng mga farmers para hindi sila mag-worry at ma-encourage pa sila,” punto ni Pacquiao.

Itutulak naman ni dating Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos ang isang decentralized approach’ sa mga local government units (LGUs), na naranasan niya habang alkalde pa siya ng Mandaluyong, sa ganitong sistema ay LGU  mismo ang bumibili ng mga sobrang ani ng mga magsasaka mula sa Nueva Ecija.

“Isipin ninyo kung lahat ng LGUs gagawin ito, may ready market ka na agad for the farmers. Direkta na, at hindi lang ‘yun, ‘yung mismong puhunan galing na sa LGU itself,” wika ni Abalos.

Idinagdag pa ni Abalos na maaaring magbigay ang pamahalaan ng mga puhunan at mas kayang crop insurance para sa mga magsasaka.

Si Makati City Mayor Abby Binay, sinabing mahalaga ang irigasyon para sa produksiyon ng mga magsasaka.

“Kailangan din natin ng mas maraming irigasyon dahil base sa impormasyon ng Secretary of Agriculture, lampas sa isang milyong ektarya pa ng mga patag na kalupaan ang kailangan ng patubig,” sabi ni Binay.

“Imagine the potential of those lands for us to achieve food security and not rely on importation of food. Mukhang kulang na kulang ang suporta na naibibigay natin lalong-lalo na sa National Irrigation Administration. We should put more money on irrigation,” paliwanag ni Binay.

Si re-electionist Senator Francis “Tol” Tolentino, nais gawing mga propesyunal ang mga batang henerasyon ng mga agriculturists.

“Sa nagdaang Kongreso, nagpasa kami ng batas na iaangat ang estado ng mga agriculturist bilang mataas na lebel ng propesyon. Magiging certified sila. Bibigyan ng lisensiya, ang mga eksam ay isu-supervise ng PRC (Professional Regulation Commission),” sabi ni Tolentino.

“’Di ba ‘pag abogado LLB ang nakalagay sa dulo; ‘pag doktor, MD. Dapat mayroon din ‘yung mga agriculturist,” dagdag ni Tolentino, na hinikayat din ang malalaking korporasyon na pumasok sa farming para mapanatiling mababa ang presyo ng mga pagkain.

Para kay Deputy Speaker Camille Villar, importante naman ang tama at mahigpit na  pagpapatupad ng mga batas para maiwasan ang economic sabotage.

“Another way to control the prices in the long term is to implement properly ‘yung mga batas na mayroon tayo katulad ng Anti-Economic Sabotage Law that has stiffer penalties against rice traders, middlemen for profiteering. Kasi wala pa po tayong napo-prosecute,” pagtatapos ni Villar. Gail Mendoza