Home NATIONWIDE Pagtuloy ng korte sa paglilitis ni Duterte, kinuwestiyon ng kaniyang kampo

Pagtuloy ng korte sa paglilitis ni Duterte, kinuwestiyon ng kaniyang kampo

176
0

THE HAGUE, Netherlands – Pormal na kinukuwestiyon ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang desisyon ng korte na payagan siyang ituloy sa paglilitis, iginiit na hindi patas ang proseso dahil umano’y binalewala ng korte ang mga “objective facts” tungkol sa umano’y paglala ng kanyang kalusugang pangkaisipan.

Sa apela na inihain sa The Hague, sinabi ng mga abogado ni Duterte na hindi niya kayang “meaningfully exercise” ang kanyang mga karapatan, at ang pagpapatuloy ng confirmation of charges hearing ay maaaring makasira sa buong proseso ng kaso.

Ayon sa depensa, mali ang naging pasya ng Pre-Trial Chamber na ideklarang “fully mentally aware and fit” si Duterte dahil wala umanong sapat na neurological assessment noong una siyang humarap sa korte. Iginiit nilang binalewala rin ang mahahalagang ebidensiyang medikal at mga usaping may kinalaman sa karapatang pantao upang mapabilis lamang ang kaso.

Ipininta ng kampo ni Duterte ang dating pangulo bilang may malubhang cognitive impairment na nakaapekto sa kanyang memorya, kakayahang magdesisyon, at pag-unawa. Ayon sa dokumento, patuloy umanong humihina ang kanyang memorya dahil sa edad at kondisyon sa kalusugan, kasabay ng mas mataas na pangangailangan ng malinaw na pag-iisip sa paglilitis.

Binanggit din ng depensa na madalas umanong nakakalimutan ni Duterte ang mga simpleng utos ng kanyang mga abogado, gaya ng paghingi ng sariling medical records. Sinabi rin na hindi siya pinapayagang pangasiwaan ang sariling gamot ng medical officer sa detention center, na ayon sa kampo ay patunay ng kanyang kondisyon.

Inakusahan din ng depensa ang korte ng maling paghawak sa medical evaluation, kabilang ang umano’y pagtatangkang magtalaga ng kuwestiyonableng mga eksperto at ang pagwawalang-bahala sa findings ng ilang neuropsychologist na umano’y nakakita ng parehong kakulangan sa kakayahang pangkaisipan ni Duterte.

Hiniling ng kampo ni Duterte sa Appeals Chamber na payagan ang apela sa apat na dahilan, kabilang ang hindi pagsasaalang-alang sa clinical evidence at sa tinawag nilang “procedural stamina,” o kung kakayanin ba ni Duterte ang isang mahabang paglilitis na may libu-libong pahina ng ebidensiya.

Giit ng depensa, hindi ito taktika upang umiwas sa pananagutan, kundi usapin ng paglabag sa international law kung pipilitin ang isang taong hindi kayang umunawa o makipagtulungan nang maayos sa sariling depensa. Hiniling nila ang agarang interbensiyon ng korte upang pigilan ang pagpapatuloy ng proseso. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here