
KUNG may pabigat sa administrasyon, walang duda, si Speaker Martin Romualdez ‘yon.
Kaliwa’t kanan ang palpak na proyekto ng Kamara. Nariyan ang Charter Change na may diumano’y humahakot ng pirma kapalit ng pera, ang 2025 budget na puno ng insertions, impeachment ni Vice President Sara Duterte na hindi maikakaila na may halong personal na interes, at ang latest ay ang isyu ng pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte. Tila hugas-kamay lang si Speaker. Pero matunog ang mga balita na siya ang may pakana ng lahat.
Sa lahat ng mga isyung ito, si Pangulong Bongbong Marcos ang sumasalo ng mga resulta ng mga galawang ito. Dumadausdos ang kanyang trust rating, at nadadawit sa mga eskandalo na hindi niya direktang kinasangkutan.
Tatlong taon na si Romualdez sa Kamara, pero imbes na magpakita ng tunay na liderato, tila ginamit lang ang pwesto para sa pansariling kapangyarihan at kayamanan. Ang resulta?
Sunod-sunod na batikos, kapalpakan, at krisis—lahat ay bumabalik sa Pangulo, na ngayon ay tila naiipit sa mga isyung hindi niya naman sinimulan.
Pati AKAP at mga proyektong pang-infra ay ginatasan umano ng kampo ni Speaker. Hindi ito serbisyo publiko. Ito’y pangsariling agenda kung saan ginamit ang kaban ng bayan bilang alkansya.
Ang Lakas-CMD na partido ni Romualdez ay bahagi raw ng pro-admin coalition. Pero bakit tila walang makitang konkretong hakbang si Romualdez para buhatin ang administrasyon? Sa halip, hinayaan pa niyang muling ungkatin sa House of Representative ang lumang “polvoron” issue. Nawala na nga ito sa isip ng karamihan dahil napatunayang peke ang naging viral na video. Pero dahil sa pagdinig, pati ‘yung hindi pamilyar sa issue ay napaiisip.
Ngayon, halatang todo damage control si Romualdez sa media. Pero imbes na akuin ang pananagutan, ang style niya ay ibunton ang sisi sa iba. Hindi na ito bago. Noong sumabog ang isyu sa 2025 National Budget, kunwari’y sinibak niya si Zaldy Co bilang Appropriations chair, para lang mailihis ang galit ng publiko.
Ang pinakahuling drama: sinisisi niya ang campaign manager ng admin coalition. Ngunit tila ito ay dahil sa kanyang kapraningan na maagawan ng Speakership. Sa halip na umako, palaging may itinuturo.
Hanggang kailan magpaparaya si PBBM sa pinsan niyang pasaway? At kung hindi siya kikilos, baka siya rin ang tuluyang lamunin ng mga kapalpakan ng kanyang pinakamalapit na “kaalyado.”