MANILA, Philippines- Kinontra ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang pahayag ng mga pro-POGO na walang nabibiktimang Pinoy ng ilegal na negosyo.
Sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni PAOCC Executive Director Usec Gilbert Cruz, Executive Director, na may mga ulat na sila sa mga Pinoy na naloko ng mga POGO lalo na sa ibayong dagat.
Sinabi ni Cruz na walang katiyakan na hindi nabiktima ang mga Pinoy na nasa loob ng bansa kabilang na ang mga kabataan ng mga POGO na sangkot sa ilegal na sugal online.
Magugunita na iniuugnay sa mga POGO ang mga kumakalat na text messages at chats na humihikayat sa publiko na maglaro ng online na sugal.
Bukod pa ito sa mga text scam kung saan may mga link na pinapa-click na hahantong sa hindi magandang sitwasyon tulad ng pagkaka-hack ng social media accounts gayundin ng e-wallets at bank accounts na nauuwi sa pagkawala ng pera ng mga biktima. Jocelyn Tabangcura-Domenden