MANILA, Philippines – Sinagot ni Public Works Secretary Vince Dizon at ng Office of the Ombudsman nitong Martes ang pahayag ng contractor na si Curlee Discaya, na nagsabing pakiramdam niya ay “robbed” siya matapos utusang magbalik ng pera bilang kondisyon para matanggap sa Witness Protection Program.
“Medyo makapal din naman talaga ang mukha nitong si Curlee Discaya,” sabi ni Dizon.
Dagdag pa niya, “Kitang-kita namin lahat ang ebidensya laban sa kanila tapos ang lakas pa ng loob magsabi sila ang ninakawan.”
Hinimok din niya sina Discaya at ang asawa nitong si Sarah, na kasalukuyang nakakulong: “Siguro humarap na lang doon sa mga kaso nila…tapos ibalik nila yung pera ng mga kababayan natin.”
Ayon naman kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, mali umanong ituring na pagnanakaw ang restitution.
“Mali at malaking kalokohan na tawaging ‘pagnanakaw’ ang pagbabalik ng ninakaw. Ang taumbayan ang unang ninakawan. Ang pagsauli ng pera ng gobyerno ay hindi pangingikil; ito ay pananagutan,” aniya. RNT/MND