Home NATIONWIDE Pahayag ni Trillanes ‘di magiging batayan ng impeachment court – Tongol

Pahayag ni Trillanes ‘di magiging batayan ng impeachment court – Tongol

1
0

MANILA, Philippines – Sinabi ng Senate impeachment court na may karapatan si dating Sen. Antonio Trillanes IV na magsalita, ngunit hindi magiging batayan ng senator-judges ang kanyang mga pahayag sa paghatol kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay impeachment court spokesperson Atty. Reginald Tongol, sinabi ito matapos ang press conference ni Trillanes nitong Biyernes kung saan naglahad siya ng umano’y ebidensya tungkol sa alegasyon ng ill-gotten wealth laban kay Duterte.

“They are free to exhaust their freedom of speech because that is part of our democracy,” pahayag ni Tongol.

Dagdag niya, ang magiging batayan lamang ng mga senator-judge ay ang mga ebidensya, testimonya at dokumentong pormal na iniharap sa impeachment court.

Naging bahagi si Trillanes ng listahan ng mga testigo ng prosekusyon upang patunayan ang alegasyon na may unexplained wealth si Duterte at hindi ito idineklara sa kanyang SALN. Gayunman, binawi ng prosekusyon ang kanyang pagharap bilang testigo noong Huwebes.

Sinabi ni Trillanes na siya mismo ang humiling kay lead prosecutor Rep. Gerville Luistro na huwag na siyang iharap dahil sa umano’y “pressures” sa prosecution panel.

Sa kanyang press conference, iniugnay ni Trillanes ang kita ni Duterte sa umano’y kilalang drug lord sa Davao City na si Sammy Uy. Inakusahan din niya ang foundation ni Duterte na nakatanggap umano ng P150 milyon mula sa Chinese Embassy.

Ibinunyag din niya na ang Calle88, na tinukoy niyang kompanya ni Atty. Manases Carpio, ay nakatanggap umano ng P319 milyon mula sa Chinese government at China-based corporations.

Gayunman, sinabi ni Tongol na maaari pa ring boluntaryong iharap ng House prosecution panel si Trillanes kung ituturing nitong mahalaga ang kanyang mga pahayag sa paglalahad ng ebidensya.

“The impeachment court will leave it up to them how to formally introduce those evidence into the proceedings of the court so that the senator-judges would be able to take them in, consider them, and weigh them formally,” ani Tongol. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here