MANILA, Philippines – Nagsanib-puwersa ang mga lider at eksperto sa kalusugan upang isulong ang mas maayos na maternal care at patas na access ng mga buntis sa mahahalagang serbisyong pangkalusugan.
Sa roundtable na “Para sa bawat Ina: Closing the Gap in Maternal Antenatal Care,” tinalakay ang mga solusyon para mapabuti ang access sa serbisyo, financing at claims, service delivery at maternal vaccination.
Nakabatay ang talakayan sa resulta ng multi-stakeholder workshop na pinangunahan ng Philippine Infectious Diseases Society for Obstetrics and Gynecology (PIDSOG), na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa pampubliko at pribadong sektor.
Ayon kay Dr. Analyn Fallarme, vice president ng PIDSOG, kailangang mas maayos na maiugnay ang clinical recommendations, healthcare guidelines, financing at service delivery upang matanggap ng mga ina ang kinakailangang pangangalaga sa buong pagbubuntis.
Tinalakay ang 12 prayoridad na rekomendasyon, kabilang ang tatlong agarang isusulong ng PIDSOG: policy brief para maisama ang Tdap vaccine at, habang nirerebyu ang ebidensya, influenza at RSV vaccines sa PhilHealth antenatal care benefit package; updated Clinical Practice Guideline on Immunization for Women; at proseso para maiugnay ang rekomendasyon ng Health Technology Assessment Council (HTAC) sa NITAG, Omnibus Health Guidelines at PhilHealth Benefits Package.
Layunin ng mga hakbang na makatulong sa pagbawas ng maternal deaths at pagsunod sa United Nations Sustainable Development Goal 3, na naglalayong mapababa sa mas mababa sa 70 ang maternal deaths kada 100,000 live births pagsapit ng 2030.
Binigyang-diin din ni Dr. Lorina Quimio-Esteban, Obstetrics and Gynecology Infectious Disease Expert ng Healthway Medical Network, ang kahalagahan ng maternal vaccination.
“Kailangan ng mga buntis ng proteksyon laban sa mga impeksyong maiiwasan sa bakuna na maaaring magdulot ng komplikasyon sa ina at sanggol, lalo na’t mas vulnerable ang newborns. Kaya dapat isama ang mga inirerekomendang bakuna tulad ng Tdap, influenza, at RSV sa maternal care package ng PhilHealth.”
Sa Healthway Medical Network, layunin ding gawing mas accessible ang pagbabakuna sa pamamagitan ng Healthway VaxHub, kung saan maaaring makakuha ng screening, vaccination at post-vaccination observation sa loob ng Healthway clinics.
Nagsilbi naman ang Sanofi Philippines bilang health at patient education partner ng PIDSOG para sa event.
Binigyang-diin sa roundtable na kailangan ang pagtutulungan ng iba’t ibang sektor, kasama ang tamang polisiya, sistema at koordinasyon, upang maging accessible at komprehensibo ang maternal care para sa bawat ina. Jocelyn Tabangcura-Domenden