NORTHERN SAMAR, Philippines – Isang 15-anyos na Grade 10 student ang nahulihan ng .45-caliber pistol sa loob ng classroom sa Catarman National High School, Barangay Dalakit, nitong Huwebes, Oktubre 1.
Ayon sa Police Regional Office 8, iniulat ng isang kapwa estudyante sa guro na may dalang baril ang menor de edad. Ini-report ito sa school administration na agad namang nag-abiso sa Catarman Municipal Police Station.
Narekober sa estudyante ang isang .45-caliber pistol na walang serial number, apat na magazine at 10 bala. Sinabi umano ng estudyante na pagmamay-ari ng kanyang ama ang baril.
Tinulungan ng Women and Children Protection Desk ang estudyante at isinangguni siya sa Municipal Social Welfare and Development Office para sa assessment at nararapat na intervention alinsunod sa batas.
Hindi sinuspinde ang klase sa paaralan na may mahigit 5,000 estudyante.
Nakipagpulong naman ang mga pulis sa school officials upang palakasin ang mga hakbang para sa kaligtasan ng mga estudyante, guro at staff. Ito ay bahagi ng direktiba ni PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. at mga hakbang ng PRO-8 sa ilalim ni Brig. Gen. Romano Cardiño.
“The safety of our students is a responsibility that we must share. We will continue to strengthen PRO-8’s partnership with schools and other stakeholders to maintain a safe learning environment throughout Eastern Visayas,” pahayag ni Cardiño.
Hinimok ng PRO-8 ang mga magulang at guardian na tiyaking ligtas at maayos na nakatago ang mga baril at hindi maaabot ng mga bata o hindi awtorisadong tao.
Hiniling din sa mga paaralan at komunidad na agad i-report sa mga awtoridad ang anumang insidenteng may kinalaman sa baril upang mabilis na maaksyunan. RNT/MDS