Home HOME BANNER STORY Impeachment trial ni VP Sara, posibleng matapos bago mag-holiday recess

Impeachment trial ni VP Sara, posibleng matapos bago mag-holiday recess

1
0

MANILA, Philippines – Mas kumpiyansa ang Senate impeachment court na matatapos ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte bago ang holiday recess ng Senado, ayon kay court spokesperson Atty. Reginald Tongol.

Ayon kay Tongol, mas mabilis kaysa inaasahan ang pag-usad ng paglilitis at maaari ring mabawasan ang bilang ng mga testigong ihaharap ng magkabilang panig.

“Ngayon po, with the way that the impeachment trial is going on, mas malakas po yung confidence ng ating impeachment court na matatapos to bago mag-holiday recess po ang Senado (With the way the impeachment trial is progressing, the impeachment court is now more confident that it can finish before the Senate’s holiday recess),” ani Tongol.

Una nang tinaya ng korte na maaaring umabot hanggang Pebrero o Marso ang trial batay sa bilang ng hearing days na hiningi ng prosekusyon at depensa. Ngunit itinakda nitong muli ang target na matapos ang paglilitis sa Disyembre.

Ayon kay Tongol, maaaring matapos ng House prosecution panel ang presentasyon ng ebidensya para sa Article II sa Huwebes o Biyernes ng susunod na linggo kung ihaharap nito ang natitirang mga testigo mula sa mga bangko, Anti-Money Laundering Council (AMLC), Bureau of Internal Revenue (BIR) at insurance corporations.

Hindi pa kasama rito ang Article III, na hindi pa pormal na inaalis ng prosekusyon. Kung itutuloy ito, maaaring umabot hanggang Oktubre 15 ang presentasyon ng ebidensya.

Sa orihinal na pre-trial order, humingi ang prosekusyon ng 12 araw para sa 15 testigo. Nasa walong araw na ang nagamit, habang maaari pa nitong gamitin ang mga araw na natipid matapos alisin ang ilang testigo sa listahan.

Sa kasalukuyan, tinatayang 20 araw nang nauuna ang korte sa iskedyul. Maaari itong maging 27 araw kung pormal na aalisin ng prosekusyon ang Article III.

Humingi naman ang depensa ng 30 araw para sa presentasyon ng kanilang kaso, na maaaring magdala sa paglilitis hanggang Disyembre 16 kung gagamitin ang lahat ng araw.

Gayunman, maaari ring umikli ang panahon kung magbabawas din ang depensa ng mga testigo.

Hindi pa plano ng impeachment court na magdagdag ng make-up hearings sa kabila ng pagkawala ng halos dalawa’t kalahating araw ngayong linggo. Inaasahang magpapatuloy ang mga pagdinig pagkatapos ng ASEAN Summit sa Nobyembre 16 at 17, at nakatakdang bumalik ang trial sa Nobyembre 23. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here