Home METRO Unang kaso ng ASF sa Palawan, nakumpirma sa Agutaya

Unang kaso ng ASF sa Palawan, nakumpirma sa Agutaya

1
0

PALAWAN, Philippines – Kinumpirma ng pamahalaang panlalawigan ng Palawan ang unang kaso ng African Swine Fever (ASF) sa Barangay Concepcion, Agutaya.

Nagpositibo sa ASF ang 40 sample na isinailalim sa laboratory test ng Bureau of Animal Industry. Agad namang nagpatupad ng quarantine checkpoints sa Agutaya upang kontrolin ang paggalaw ng mga tao, hayop at materyales na maaaring magkalat ng virus.

Nagpulong noong Setyembre 25 ang Provincial ASF Task Force upang suriin ang sitwasyon at magpatupad ng mas mahigpit na hakbang, kabilang ang tatlong araw na depopulation operation mula Setyembre 28 hanggang 30 sa apektadong barangay.

Tumulong ang Department of Agriculture-MIMAROPA sa pamamagitan ng disinfectants, rapid test kits, technical guidance, at mga pamantayan sa depopulation, indemnification, movement control, biosecurity at disease surveillance.

Patuloy din ang active surveillance sa iba pang bahagi ng Agutaya sa pamamagitan ng field investigation, pangongolekta ng samples at monitoring sa mga baboy na biglang nagkakasakit o namamatay.

Sinusuri rin ng pamahalaang panlalawigan ang mga pagkalugi ng mga hog raiser upang matukoy ang kanilang pangangailangan at maihanda ang kaukulang tulong.

Hinimok ang mga hog raiser na higpitan ang biosecurity, limitahan ang paggalaw ng mga baboy, disimpektahin ang kagamitan at sapatos, at agad iulat ang hindi pangkaraniwang pagkakasakit o pagkamatay ng mga alagang baboy.

“Muli po, hinihikayat natin ang ating mga hog raiser na agad makipag-ugnayan sa kanilang Municipal Agriculture Office, Municipal o Provincial Veterinary Office, o Agricultural Extension Worker kapag nakapansin ng biglaang pagkakasakit o pagkamatay ng kanilang mga alagang baboy. Kailangan din nating muling higpitan ang biosecurity sa mga babuyan at sundin ang mga patakaran sa paggalaw ng mga baboy at produktong karne upang mapigilan ang pagkalat ng ASF,” ani DA-MIMAROPA Regional Executive Director Christopher R. Bañas.

Nilinaw ng mga awtoridad na hindi nakahahawa sa tao ang ASF, ngunit maaaring kumalat ang virus sa pamamagitan ng kontaminadong karne ng baboy, kagamitan, sasakyan, sapatos at iba pang materyales. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here