MANILA, Philippines – Nangako ang Philippine National Police (PNP) na tutulong sa mga lokal na awtoridad sa pagpapatupad muli ng No Contact Apprehension Policy (NCAP) sa ilang lungsod ng Metro Manila simula Oktubre 5.
Ayon kay PNP chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., sinusuportahan ng PNP ang mga legal na hakbang para mapabuti ang disiplina at kaligtasan sa kalsada.
“The Philippine National Police respects the decision allowing the resumption of NCAP and supports lawful measures that promote road discipline, traffic safety, and efficient enforcement,” pahayag ni Nartatez.
Muling ipatutupad ang NCAP sa Manila, Quezon City, Valenzuela, Parañaque, Muntinlupa at San Juan.
Sa ilalim ng NCAP, gumagamit ng CCTV, digital camera at iba pang teknolohiya upang maitala ang mga paglabag sa trapiko at makapagpadala ng notice sa mga motorista nang hindi na sila kailangang pahintuin sa kalsada.
Bagama’t hindi pangunahing ahensya ng NCAP ang PNP, inatasan ni Nartatez ang mga police unit na tumulong sa mga lokal na pamahalaan kung kinakailangan.
Pinayuhan din niya ang mga motorista na alamin ang mga lokal na batas at ordinansa sa trapiko.
Maaari namang gamitin ng mga makatanggap ng notice ang mga itinalagang channel ng kanilang lokal na pamahalaan para i-verify, kuwestiyunin o linawin ang iniulat na paglabag. RNT/MDS