NEGROS ORIENTAL- PATAY ang isang pahinante habang sugatan ang driver ng truck matapos mahulog ang sinasakyan nilang truck sa bangin, nitong Miyerkules, Mayo 14, sa bayan ng Mabinay.
Hindi na umabot pang buhay sa ospital ang biktimang si Bembem Resol, 57, habang sugatan ang driver na si Carlito Torres, 37 at kapwa residente ng Barangay San Roque, San Jose, Negros Oriental.
Batay sa report ng Mabinay Municipal Police Station, bandang 1:00 PM Mayo 14, 2025 naganap ang insidente sa kalsada na sakop ng Barangay Mayaposi ng nasabing bayan.
Sa imbestigasyon ng pulisya, patungo sanang Bais City ang Isuzu truck ng bigla na lamang umanong nagkaproblema ang makina nito at tumagilid sa kalsada hanggang mahulog sa bangin.
Naipit sa pintuan ng harapan bahagi ng truck ang pahinante at nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan na naging sanhi ng kamatayan nito habang dinala naman sa ospital ang driver para lapatan ng lunas ang mga tinamong sugat. Mary Anne Sapico