
IPAGPATULOY natin ang talakayan sa napakabigat na pasanin sa pag-aaral.
Sa ngayon, mahina ang P100 na baon, kasama ang pamasahe, sa bawat bata na kasabay ng kontribusyon.
Kapag hinaluan pa ‘yan ng asynchronous class na wala ngang pasok ngunit may katakot-takot na assignment, napakalaki rin ang gastos sa printing ng materyales ng mga assignment sa P7 para sa short na bond paper at P10 sa long para sa may color na assignment na sinasagutan.
Karaniwang aabot sa 10 bond paper bawat bata ang assignment, eh, paano kung may kinder, elementary, high school at senior high na anak na sabay-sabay na may asynchronous dahil sa init ng panahon o sa oras ng kalamidad o pista na sandamukal?
‘Di ka ba mamumulubi riyan?
Sa parte ng mga pribadong iskul, tanggap ng mga magulang o mag-aaral ang pagbili ng aircon na may kasamang buwanang bayarin sa kuryente.
Karaniwan naman kasing sinusubukang kayanin ng mga magulang o working student ang anomang kontribusyon.
Pero sa mga magulang o mag-aaral na napipilitang makipagsapalaran sa mga pablik iskul dahil sa kagipitan o kawalan sa buhay, ang mga kontribusyon ay sadyang mabigat.
Mabuti sana kung ang marami ay tulad sa impeachment na kandarapa ang mga kongresman sa pagpirma dahil may pakinabang sila, ayon kay Senator Cynthia Villar.
Ang karaniwang pinipirmahan ng mahihirap na magulang o bata ay mga promissory note sa iskul o pinagkakautangan o sa mga nagkakandalugi rin sa utang na mga kapitbahay na sari-sari store.
Oo nga pala, pati eksam sa Programme for International Student Assessment (PISA) ngayong Marso 2025 ay pinagkakagastusan din ng mga magulang o mag-aaral sa pagbili ng mga materyales sa science, math at reading para sa review, sa load ng mga cellphone para sa internet at tawagan ng mga estudyante at titser at pamasahe.
Para makaangat-angat naman daw ang Pinas mula sa pagiging kulelat sa 89 bansang sumasali rito.
Ano ba ‘yaaan?