
SA pagkakaaresto kay dating ex-Pangulong Rodrigo ‘Digong’ Duterte, may masama kayang epekto ito sa kalayaan sa pamamahayag?
Tinatanong natin ito dahil sa paningin ng iba, bukod sa bintang na sadyang pagpatay noong panahon ng giyera sa droga, marami ring inilalabas na isyu ang media, kasama ang diaryo, radyo, telebisyon at social media na kritikal sa administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos.
Kasama, halimbawa, sa mga isyu ang pagkuwestiyon ng mga mamamahayag sa pag-zero budget ng administrasyon sa PhilHealth at pagbabalik ng nasa P60 bilyon ng Malakanyang sa National Treasury mula sa pondo nito.
May pakialam ang mga mamamahayag sa usapin dahil marami sa mga ito ang may kontribusyong direkta sa PhilHealth at may buwis din sa Sin Taxes kung tawagin tuwing bibili sila ng alak, yosi at kauri ng mga ito na isa sa pinagkukunan ng pondo ng PhilHealth.
Ang mga ito at iba pang mga isyu ay nakakabit sa mga pahayag ni Pres. Digong laban sa pamahalaang Marcos at sa katunayan dinirinig na ito sa Korte Suprema.
IMBESTIGASYON SA VLOGGER
Kasalukuyan ding may imbestigasyon sa Kamara ukol sa mga vlogger na kritiko rin ng pamahalaang Marcos, kasama ang mga nagsasabing nasa gitna lang ngunit inilalabas ang magkabilang panig o pagitan ng administrasyon at mga Duterte.
Muli, ang problema na ito ay umabot na rin sa Supreme Court at kinukuwestiyon, halimbawa, ni ex-Presidential Communications Office Trixie Angeles at iba pang mga vlogger ang pagpapatawag sa kanila na dumalo sa imbestigasyon ng Kamara na nauugnay umano sa fake news.
HANGGANG SAAN AABOT ANG KAGULUHAN?
Marami ang nahahati sa isipan ukol sa pagkakaaresto kay Pres. Digong.
Pati nga sa hanay ng mediamen, lumikha rin ang pang-aaresto ng pagkahati-hati dahil may kontra at may pabor dito.
Pero sa mas masaklaw na usapin, saan kaya aabot ang kaguluhan sa isipan na nilikha ng pangyayari?
Ito’y dahil sa pagsasabi na rin ng mga kasundaluhan na handa silang tumulong ““to reinforce efforts to uphold national security and stability when necessary.”
Ibig sabihin kasi nito, mga Bro, lahat na ng pwersa ng gobyerno ay nakahanda sa kaguluhan at kalituhan, hindi lang sa isipan at media kundi sa posibleng kaguluhan mismo na literal at pisikal.
TUMULONG SA PAGPAPAYAPA NG ALAB NG DAMDAMIN
Mismong si Pres. Digong ang nagsasabing daraanin niya sa ligal na laban ang kanyang kaso.
At hindi niya daraanin ang pangyayari sa panawagan para sa pag-aaklas.
Halimbawa na lang ang pagsasampa nila ng kaso sa Supreme Court laban sa zero budget ng PhilHealth at sinasabing mga pinirmahang blangko at makaraan ay misteryosong nagkalaman na 2025 Government Appropriations Act.
Magandang larangan ang mga korte na roon maglalaban-laban ang mga magkakaaway sa anomang isyu o hindi pinagkakasunduan.
Kaya maghanda-handa na rin ang mga piskal at korte sa pagharap sa mga isyu at paglilitis at maging patas sa paglalabas ng mga makatarungang desisyon.
Partikular sa hanay ng mga mamamahayag, sana manatili silang malaya hindi lang sa paglalabas ng mga totoong balita kundi maging sa paglalabas ng kanilang mga hinaing at ng bayan sa mga kinauukulan at pamahalaan.