MANILA, Philippines – Naghain muli ng mosyon sa Supreme Court (SC) ang Davao based lawyer na si Israelito Torreon upang hilingin na magpalabas na ng temporary restraining order ang korte hinggil sa patuloy na pakikipag-ugnayan ng gobyerno sa International Criminal Court (ICC).
Nagsumite si Torreon ng reiterative motion for a TRO sa gitna ng mga pinakahuling pangyayari na nailipad na si si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa The Hague, Netherlands para iharap sa ICC.
Kumpiyansa si Torreon na sa dalawang mosyon ay makukumbinse nito ang Supreme Court na umaksyon na sa kanilang petisyun ngayong araw.
Inakusahan ni Torreon ang gobyerno na minadali ang proseso ng pagpapadala kay Duterte sa The Hague.
Tiniyak ng abugado na gagawin nila ang lahat ligal na hakbang para sa dating pangulo.
Magugunita na hanggang sa kasalukuyang na ginagawa ang balitang ito ay wala pang inilalabas na temporary restraining order (TRO) ang Supreme Court, ayon sa abugado na naghain kahapon ng petisyun para maharang ang gobyerno sa patuloy na kooperasyon nito sa International Trial Court (ICC).
Kumalat sa social media kahapon ang balita na naglabas na ng TRO ang korte na epektibong pipigil sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Torreon na hanggang pasado alas-10:00 ng gabi kagabi ay wala pa silang nakikita na kopya ng umano’y inilabas na TRO ng Supreme Court.
Sumugod kagabi sa SC si Torreon kasama si Atty Raul Lambino para kumpirmahin ang balita. TERESA TAVARES