MANILA, Philippines – Umapela si House Committee on Women and Gender Equality Chairman at Bataan Rep. Geraldine Roman kay Pangulong Ferdinand Marcos na gawin na ang desisyon na umanib muli ang bansa sa
International Criminal Court.
“Lumabas tayo unilaterally (Executive decision) from the ICC. I think it’s about time bumalik tayo sa ICC at ipakita natin sa buong mundo na itong bansang ito ay gumagalang sa ating mga batas at sa mga international law,” paliwanag ni Roman.
“Wala pong masama doon mga kababayan. Ang batas ang ating tanging sandigan at proteksyon sa pang-aabuso, pati kaming nasa mga posisyon ng kapangyarihan. Ito lamang ang kasiguruhan na merong pagbabatayan ang ating mga hukuman upang bigyan tayo ng katarungan kung tayo ay naapi o naagrabyado,” dagdag pa nito.
Giit ni Roman ang layunin ng administrasyong Marcos ay itaguyod sa buong bamsa ang ” rule of law” kaya ang pagbabalik sa ICC ay isang mensahe na ito ang hangad ng bansa.
“So, sana po panawagan ko, bumalik na po tayo sa ICC. If this is a position that recognizes a rule-based order around the world, then let’s walk the talk. Let’s go back to the folds of the ICC because naniniwala ako wala naman dapat tayong ikatakot. Dahil naniniwala rin po ako na ang ating Pangulo ay desidido na i-uphold ang rule of law at wala siyang itatago,” pahayag pa ng lady solon.
Matatandaan na noong Marso 17, 2018 ay lumalabas na iinimbestigahan na ng ICC si Duterte bunsod ng kanyang war on drugs.
Kasunod nito ay ang pagliham ni Duterte sa United Nations secretary general na aalis na ang Pilipinas bilang miyembro ng ICC.
Sa kabila ng pag-alis na ng bansa sa ICC ay malinaw na nakapaloob sa ICC treaty na nanatili ang hurisdiksyon ng international tribunal sa mga krimen na naganap bago ang pagwithdraw bilang ICC member country.
Aminado si Roman na nalungkot ito sa pagkakaaresto kay Duterte gayunpaman naniniwala ito na ang batas ang dapat na pairalin at hindi emosyon.
Kasabay nito, umapela si Roman sa mga kaalyado at supporters ni Duterte na tingnan ang pagkaaresto sa dating Pangulo bilang kanyang tiyansa na patunayan na wala siyang kasalanan.
“Kung hindi kayo naniniwala sa mga local courts, at least, bigyan niyo ng chance naman ang ICC. Look at this as a chance for the former President to air his side. Yung hindi tayo nananatili sa duda. If he truly believes that he is innocent of the charges, I’m sure he’ll come up with evidence to prove so…. So, let’s give time to due process also. And you just have to trust the process too,” pagtatapos ni Roman. Gail Mendoza