Home HOME BANNER STORY Pakikialam ng mga politiko, duplicate payouts sa AKAP pinuna ng COA

Pakikialam ng mga politiko, duplicate payouts sa AKAP pinuna ng COA

337
0

MANILA, Philippines – Pinuna ng Commission on Audit (COA) ang umano’y pakikialam ng mga politiko sa pagpapatupad ng Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), na nagdulot ng maling impresyon sa pinagmumulan ng tulong-pinansyal.

Sa 2024 audit report, sinabi ng COA na ang political messaging sa mga payout ng AKAP ay nagbigay ng “mistaken impression” na personal na pinadadaloy o ini-sponsor ng ilang opisyal ang programa at hindi ng DSWD.

Ayon sa ulat, kabilang sa mga napansin ng state auditors ang mga social media post ng mga politiko, talumpati sa panahon ng payouts na binibigyang-diin ang kanilang mga nagawa, paglalagay ng tarpaulin na may AKAP logo kasama ang pangalan at larawan ng mga politiko, at ang kanilang direktang presensya sa distribusyon ng ayuda.

Dahil dito, lumaganap umano ang paniniwala na ang tulong ay mula sa mga politiko at hindi sa ahensya ng pamahalaan.

Ang AKAP ay nagbibigay ng tulong-pinansyal sa minimum wage earners at low-income workers na hindi saklaw ng iba pang regular na programa ng DSWD.

Sa Calabarzon, natuklasan ng COA na 249 na benepisyaryo ang umaming naisama sila sa programa sa pamamagitan ng referral ng mga kongresista o party-list groups, na maaaring magamit sa pagsusulong ng political agenda.

Sa Central Visayas naman, napag-alamang nilaktawan ang mga local social welfare offices at ang payouts ay direktang pinangasiwaan ng mga mambabatas at kanilang staff.

Dagdag ng COA, ang umano’y “electioneering” sa panahon ng payout events ay nagdulot ng dagdag na pasanin at panganib sa mga kawani ng DSWD dahil sa pagdadala ng malaking halaga ng cash sa mga malalayong lugar nang walang sapat na seguridad.

Bukod dito, nakapagtala rin ang COA ng mga kakulangan sa pagpapatupad ng AKAP, kabilang ang duplication ng tulong at maling pagkilala sa mga benepisyaryo. Umabot umano sa P108.337 milyon ang naapektuhan dahil sa dobleng ayuda, maling disbursement, at pagkakamali sa pagpili ng kwalipikadong tatanggap.

Sa Metro Manila, tinukoy na halos 19,500 benepisyaryo ang nakatanggap ng multiple assistance na nagkakahalaga ng P69.44 milyon sa loob lamang ng tatlong buwan, habang mahigit 3,500 naman ang nakatanggap ng AKAP at AICS sa parehong panahon.

Bilang tugon, sinabi ng DSWD na mahigpit pa ring sinusuri ang lahat ng benepisyaryo at hindi ginagarantiyahan ang mga referral ng mga “partner representatives.” Giit ng ahensya, walang papel ang mga politiko sa paglalabas ng pondo.

Inirekomenda ng COA na higpitan ng DSWD ang pagpapatupad ng mga patakaran na nagbabawal sa pakikilahok ng mga politiko sa payout process at paigtingin ang information campaign upang malinaw sa publiko ang pinagmumulan ng ayuda. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here